P A N I M U L A
ANGELA STUART-SANTIAGO

Kung hindi sa Foundation for Worldwide People Power sa pamumuno ni Eugenia Duran-Apostol na totoong pursigidong ilantad ang kototohanan tungkol sa panahong Marcos hanggang himagsikang EDSA, malamang ay inaamag pa rin ang aking manuskritong Chronology of a Revolution na inilathala ng Foundation noong 1996, matapos isantabi ni Fidel V. Ramos nang limang taon. At malamang ay inalikabok lang itong Himagsikan sa EDSA ­ Walang Himala! sa bodega ng National Centennial Commission kahit nagawaran ito, isa sa apat na sanaysay, ng "Karangalang Banggit" o "Honorable Mention" sa Centennial Literary Contest noong Agosto 1998. Ang usapan ay ilalathala ng Commission ang mga premyadong obra sa lalong madaling panahon pero hanggang ngayon, mahigit isang taon na, ay wala pang nailalathala kahit isa. Balita ni Alfred "Krip" Yuson, isa sa dalawang nanalo ng Third Prize sa English Novel, naghahanap pa ng funding ang University of the Philippines Press; tila inupuan ng Malakanyang ang pondong pang-imprenta na isinulit ng National Centennial Commission bago ito buwagin. Ang nangyayari tuloy, kanya-kanya nang hanap ng publisher, kanya-kanyang launching, unang-una na si Krip.

Salamat na rin at kahit paano ay napremyuhan, kahit hindi malinaw sa akin kung anong naging pagkukulang ng aming mga sanaysay at ni isa ay hindi naipalagay na karapat-dapat gawaran ng major prize, hindi tulad ng siyam pang kategorya na sang- katerba ang mga tie sa First, Second, at Third prizes. Nakakapagpatanong. Pangit kaya ang Filipino namin, hindi maintindihan? O mas mataas kaya (o mas makitid) ang mga pamantayan ng inampalan sa kategoryang Sanaysay kaysa mga pamantayan ng inampalan sa ibang kategorya? O baka naman iba't iba ang dahilan, at sa kaso ng Himagsikan sa EDSA... ay mga loyalistang kulelat pala ang inampalan?

Posible rin na praning o paranoid lang ako. Posibleng bulagain pa rin tayo ng administrasyong Estrada at ilathala ang 49 obra, pati ang mga saling-pusang Sanaysay. Kung gayon ang mangyayari, puwedeng ituring na original version ang sa Centennial Commission at edited version itong sa Foundation. Medyo madalian kasi, naghahabol ng deadline, ang pagkakasulat ng orihinal at may ilang bagay akong nakaligtaang sabihin at ilang bagay na kailan ko lang nawari tungkol sa EDSA. Isa pa, dahil mas sanay akong sumulat sa Inggles kaysa Filipino (at tila nga inisnab ng mga "eksperto" ang aking trabaho), malaking bagay para sa akin ang mapasadahan minsan pa ang manuskrito at pagkatapos ay maipa-edit ito sa isang bihasang magsulat sa Filipino.


Ang
Himagsikan sa EDSA ­ Walang Himala! ay batay sa Chronology of a Revolution/1986 ngunit magkaiba ang kanilang format. Ang Chronology ay tipong talaan ng pinakamahahalagang eksena at pinakamalulutong na soundbite ng EDSA ayon sa oras at araw ng pangyayari batay sa mga ulat sa media at sa mga interbyu ko sa ilang pangunahing aktor sa drama ng EDSA; ang Himagsikan ay tipong sanaysay na nagsasalaysay at nagpapalagay kung ano ang naganap sa, at kung paano naganap ang, EDSA.

Hindi sinasadya ang pagkakabuo at pahirapan ang pagpapalathala ng Chronology. Nagsimula ito bilang sequence guide para sana sa isang TV magazine show na ididirek ni Marilou Diaz-Abaya á la Star Wars ­ puwersa ng kabutihan kontra puwersa ng kasamaan ­ noong Mayo 1986. Hindi natuloy ang TV show ngunit naintriga na ako at hindi ko na nabitiwan ang EDSA. Itinuloy ko ang pagsuyod ng mga pahayagan at magasin, pagsala ng historical sa hysterical sa bawat ulat at eyewitness report, at ang pagsusunod-sunod ng mga detalye ayon sa araw at oras ng pangyayari. Mabusisi (wala pa akong word processor noon) at nakákalitóng trabaho. Hindi malinaw ang karamihan ng mga report, o hindi magkasundo, kung anong oras naganap ang iba't ibang eksena. Ayon sa ilan, halimbawa, bandang 9:00 ng gabi unang nanawagan si Jaime Cardinal Sin sa Radyo Veritas noong ika-22 ng Pebrero; pero sabi ng iba, nauna raw ang panawagan ni Butz Aquino; ng iba pa, lampas na ng 10:00 nang unang tumawag si Butz.

Pabago-bago ang sequence ko ng mga pangyayari, lalo na pagdating ng mga snap book nina Quijano de Manila, Cecilio T. Arillo, Patricio R. Mamot, at ng James Reuter Foundation na sunod-sunod ang launching noong Mayo at Hunyo 1986, at ng Veritas Extra edition, pinamagatang "Coup!" akda nina Alfred McCoy, Marian Wilkinson, at Gwen Robinson na lumabas noong Oktubre. Mayroong napaaga pala ang tantiya ko kung anong oras naganap ang ilang pangyayari, mayroong náhulí. May ulat ng isang presscon ang isang reporter na hango pala sa tatlong magkakaibang presscon. Iba't iba rin ang tinutukoy na anggulo at detalye ng iba't ibang reporter at manunulat. Para mabuo ang larawan ng bawat pangyayari, pabunot-bunot ako ng detalye kung saan-saan.

Unti-unti, utay-utay, naliwanagan ako tungkol sa EDSA at sa katuturan ng aking ginagawa. Pinagtawanan natin si Ferdinand Marcos nang isumbong nito ang tangkang kudeta nina Juan Ponce Enrile at Fidel Ramos, at pinalakpakan natin si Enrile nang tawagin niyang "a bunch of bull" ang bintang ni Marcos. Iyon pala, si Enrile ang nagsisinungaling at si Marcos ang nagsasabi ng totoo. Saan pa tayo nagkamali? Para mapagpulutan natin ng aral ang EDSA, kailangan nating linawin muna ang istorya.

May tatlong taon bago ako natapos sa unang draft ­ 1989 na. Magulo na noon, sunod-sunod ang dramang kudeta, wala naman kasing malaking pagbabago na naganap maliban sa napalaya ang media, gayon din ang mga komunista. Inalikabok ang chronology.

Sandali itong napagpagan at nadagdagan noong Agosto 1990 sa pamamagitan nina Mars Marquez at Louie Morales, mga kaibigan ni Defense Secretary Fidel Ramos sa advertising at public relations. Talambuhay ng heneral ang habol nila, laan sa 1992 presidential elections. Unang nilapitan ni Marquez si Howie Severino ng Philippine Center for Investigative Journalism; umayaw agad ito, hindi raw siya sumusulat ng pang-PR. Ako naman, nakita ko ang pagkakataong usisain ang dating heneral, na limang taon na ang nakakaraan ay hindi pa nagkukuwento tungkol sa EDSA, bagay na hindi ipinagpaliban nina Enrile, Cardinal Sin, at Butz Aquino. Sabi ko kina Marquez at Morales, double feature ang gawin namin, back-to-back, talambuhay ni Ramos at kuwento ng EDSA. Nang makita nila ang chronology ko, hindi na lang daw bale ang talambuhay, EDSA na lang.

Dalawang beses kong nakapanayam si General Ramos, minsan sa opisina niya sa Camp Aquinaldo (Nobyembre 1990) at minsan sa tahanan niya sa Alabang Village (Enero 1991). Nandoon din si Amelita Martinez-Ramos, mga anak nila't manugang, mga kaibigan at kapitbahay, kabilang si General Rene Cruz, si Joe Alejandro, at sina Belle at Tony Abaya. Sinadya ko rin sa Camp Aguinaldo si General Jose Almonte at si Major Avelino Razon. Noong Pebrero 1991, sinulat ko ang script ng "View from Within," isang TV documentary, tampok ang kuwentong EDSA ni Ramos, na ipinalabas ng GMA Channel 7 noong ika-limang anibersaryo. Nagpa-interbyu din si Ramos kay June Keithley sa radyo, at pinadalhan ako ng transcript ng bawat interview. May computer na ako noon at word processor kayâ madali kong naisingit-singit ang mga kuwento nina Ramos at iba pa sa kahabaan ng chronology. Agosto 1991 natapos ang manuskrito. Oktubre nag-submit si Nonoy Marcelo ng dummy o disenyo ng libro at pabalat, at ilang sample illustrations.

Tila hindi natuwa ang kampo ni Ramos sa trabaho namin. Hindi na uli tumawag si Morales; si Marquez ay tumawag nang ilang beses pa (bago ng halalan at noong naluklok na si Ramos sa Malakanyang), nangangakong matutuloy ang proyekto, kahit siya mismo ang gumastos. Pangakong napakò. Nagtaka ako. Utos ba ng hari? Pero mabango naman ang datíng ni Ramos sa nabuo kong chronology: tipong, kung hindi sa People Power at kay Ramos, hindi nagkasundo sina Cory at Enrile. Mali kaya ang basa ko, hindi niya kayang panindigan? Napaisip tuloy ako. Inamag na ang chronology.

Apat na taon ko pang pinag-isipan ang EDSA. Taong 1995 nang binalikan ko ang manuskrito upang magdagdag-bawas. Nagbawás ako ng propagandang Ramos at, dahil hindi maisnab ang mga istorya ng dayuhan tungkol sa EDSA, nagdagdag ako ng bagong datos mula sa mga libro nina Lewis M. Simons, Sandra Burton, at Stanley Karnow, gayon din nina Ma. Criselda Yabes at Arturo C. Aruiza, na nagsilabasan noong 1987-'89. Idinagdag ko rin ang kuwento ni Freddie Aguilar na nainterbyu ko noong Abril 1986 para sa TV show na hindi natuloy. Setyembre 1995 nainterbyu ko si Rose Marie Arenas at idinagdag ko ang kuwento niya. Sabi ko, huli na 'yon. Maghahanap pa ako ng publisher.

Nobyembre na nang natapos ako. Saka naman sinuwerte. Naghahanap pala si Apostol ng materyal tungkol sa EDSA para mismo sa pagdiriwang ng ika-10 anibersaryo. Biglang nagka-publisher ang chronology. Bago natapos ang buwan, na-interview pa namin ni Lorna Kalaw-Tirol, editor ng Chronology, ang dating Presidente Corazon Cojuangco Aquino. May nakalap din akong bagong datos sa files ni Apostol ng news clippings at mga libro nina Sterling Seagrave, Cynthia Baron, at Asuncion Maramba.
Sinikap din naming ihabol ni Lorna (suntok sa buwan) sina June Keithley at Senador Juan Ponce Enrile at sina Imee at Irene Marcos ngunit nabigo kami. Naging mailap si June at si Imee, parehong hindi mahagilap. Si Irene ay naimbiyerna lang daw nang nabasa ang isang draft ng chronology; aniya, hindi Pilipino ang promotor ng EDSA. Mabigat naman ang kondisyon ni Enrile ­ kailangang makita muna niya at aprubahan ang final manuscript; siyempre hindi ako (kami) pumayag. Mas maganda nga sana kung nagpa-interbyu sila at nakumpirma nila, o naitanggi, ang dapat sa mga istorya tungkol sa kanila noong panahong EDSA, pero okey lang kung ayaw nila. Tuloy pa rin, laban pa rin, ang Chronology.

Habol ko lang sa Chronology na maibahagi ang daloy ng mga pangyayari blow by blow, bahala na 'kako ang mambabasa na bigyang-kahulugan ang mga ito. Sa Himagsikan ang habol ko lang noong una ay maisa-Filipino ang Chronology at maiparating ang kuwentong EDSA sa mambabasang Pinoy. Sa huli, napakambiyo ako; ang talaan ay naging sanaysay, panglahok sa literary contest ng National Centennial Commission.

Nadagdagan pa uli ng bagong datos ang Himagsikan galing sa mga libro nina Ninotchka Rosca, James Fenton, Alan Berlow, at ng Davide Fact-Finding Commission, gayon din sa kuwento ni Gen. Alfredo Lim na sinulat ni Quijano de Manila para sa diyaryong Inquirer noong 1996, at sa isang liham na sinulat kay Apostol ni Joker Arroyo (matapos niyang basahin ang Chronology) na nagpapatotoo at naglilinaw sa mga report tungkol sa mga kaganapan sa kampo ni Cory noong EDSA.
Binago ko rin ang pasakalye sa apat na araw: ang "Before EDSA, 1965-1986" ay naging "Panahong Marcos," maikling buod ng daloy ng mga pangyayaring humantong sa EDSA batay sa mga libro nina Primitivo Mijares, Carmen Pedrosa, Charles C. McDougald, Raymond Bonner, Burton, Karnow, Yabes, Rosca, at ng Davide Commission at sa mga diyaryo't magasin noong snap elections hanggang EDSA. (Sorry, walang endnotes; naging masigasig lang ako sa datos tungkol sa EDSA; hindi ko agad naisip na pagtatalunin din ang istorya ng diktadurya.)

Nabago rin ang pagtalakay ng ika-26 ng Pebrero, Miyerkoles. Sa Chronology, halos pahabol lang, tipong punch line, ang "The Flight," kung saan tinipon ko ang hindi magkakatugmang ulat ng mga huling oras ni Marcos sa Pilipinas. Sabi ng isa, 5:00 ng umaga umalis si Marcos sa Clark papuntang Guam. Sabi naman ng isa pa, 5:22. Ng iba, 9:15. Hirit pa ng isa, nakarating daw muna si Marcos sa Paoay. Hindi malaman kung anong totoo at anong hindi. 'Kako, pagtawanan na lang natin. Sa Himagsikan, ang "Huling Hirit" ay pahabol sa EDSA, pahabol ni Marcos, baka nga naman makalusot.

Maraming salamat kay Nick Joaquin, National Artist for Literature, sa Foreword na sinulat niya sa Chronology. Sana'y magustuhan din niya ang Himagsikan, kahit hindi siya bilib sa Filipino bilang medium of literary expression. Maraming salamat kay Eggie Apostol sa walang sawa niyang pakikibaka ­ siya ang tunay na hulog ng langit; salamat din na sa mag-asawang manunulat na Jose "Pete" Lacaba at Marra Pl. Lanot niya pinabasa ang manuskrito ng Himagsikan, salamat kay Marra na pinasadahan ang Filipino ko.

Marami akong natutunan kay Marra. Ipinaalala niya ang mga patakaran sa paggamit ng "rin-din" at "raw-daw," gayon din ng "ng-nang," na nakalimutan ko na, siguro dahil may bias ako for slang Tagalog, na walang pakialam sa rules, basta naiintindihan agad. Idiniin din niya ang mga bagong patakaran sa mga salitang inuulit, tulad ng "sunudsunod" at "libulibo" na ngayo'y "sunod-sunod" at "libo-libo" na, at sa mga salita tulad ng "nguni't subali't datapwa't" na "ngunit subalit datapwat" na pala. Matagal kong pinag-isipan ang "aksiyon" at "tensiyon" imbis na "aksyon" at "tensyon" hanggang napansin kong may "i" din ang spelling ko ng "leksiyon." Sabi nga ni Marra, sanayan lang. Sa pagsulat ng Filipino, hindi sa bigkas binabatay ang baybay.

Pero may ilang bagay akong pinanindigan, tulad ng pagbaybay ng mga numero. Kung "sais" na ang "seis," puwede na ring "bente" ang "beinte" imbis na "beynte," at "trenta" ang "treinta" imbis na "treynta." At kung puwede ang "chismis" at "chika" para sa "tsismis" at "tsika," okey din ang "ocho" para sa "otso."

Hindi rin ako nag-atubiling gumamit ng mga salitang Inggles kung mas agad itong maiintindihan ng karaniwang mambabasa (na nakapag-high school). Iniwasan ko hangga't maaari na Tagalugin ang spelling ng mga salitang Inggles; hindi mas madaling basahin ang "ispeling" kaysa "spelling," at mas maginhawa sa mata ang "rally" at "crony" at "jeep" kaysa "rali" at "kroni" at "dyip." Gayunman, hindi ko iniwasan ang paggamit ng mga Tinagalog na salitang Inggles na pamilyar na sa marami, tulad ng "sibilyan," "lider," "kumander," at "kudeta."

Hindi ko rin tinanggal lahat ng tuldik sapagkat hindi totoo na hindi ito kailangan. Maraming salitang Filipino na naíibá ang ibig sabihin kapag náibá ang pagbigkas, tulad ng "kaya" at "kayâ," "lamang" at "lamáng," "punò" at "punô," "tayo" at "tayô," "buhay" at "buháy." Kung minsan ay naaaninag nga agad kung alin ang tamang bigkas ng isang salita batay sa paggamit sa pangungusap, pero hindi palagi. Para sa hindi marunong bumasa ng tuldik, senyas man lang ito, kung biglang matigilan siya't magulumihanan, na baka mali ang basa niya sa salita.

Katulong ko sa pagfi-Filipino ang kapatid kong si Luis Umali Stuart, may-akda ng Pinoy Translator (1991) at ng The Grid (1995). Matagal na niyang sinusuri ang ating pambansang wika, lalo na ang mga pandiwa at panlapi. Ang Tagalog namin ay tubong Maynila ngunit may halong Tagalog ng Cavite, Quezon, at Bulacan, gayon din ng Inggles, Kastila, at Pilipino.

SALAMAT DIN KAY Nonoy Marcelo na walang kakupas-kupas. Kay Jorge Arago sa pagsulat ng tungkol sa may-akda. Kay Jorge uli at kay Butch Perez sa mga librong Marcos, EDSA, at kudeta. Kay Gerry Gerena sa pagvi-videotape ng mga interbyu sa tropang Ramos. Kina Iskho Lopez at Mila Alora na nagset-up ng interbyu kay Rose Marie Arenas. Kay Lorna Kalaw-Tirol na nagset-up ng interbyu kay Presidente Cory Aquino. Kay Manny Martinez sa mga puri at puna sa Himagsikan. Kay Joanna Stuart na sumaklolo sa Himagsikan nang pumalpak ang computer ko. Sa aking mga magulang, Concepcion Umali at Godofredo Stuart, na nagmulat sa akin sa masalimuot na mundo ng pulitikang Pinoy. Kay Cholo Santiago, aking kabiyak, sa pasensiya't alaga, at kina Joel at Ina, aming martial law babies, sa walang sawang alalay.

Angela Stuart-Santiago. Pebrero 2000

 

CONTENTS 
Panimula
NEXT: Introduction

Sabado
Linggo
Lunes
Martes
Huling Hirit
Ang Pagtatakip sa Edsa