May nagpapaputok na ng rebentador at kuwitis sa EDSA, ipinagdiriwang ang walang kamatayang chismis na lumayas na si Marcos.

Ngunit sa Nagtahan Bridge, malapit sa Malakanyang, hindi lang putok ng rebentador ang manaka-nakang bumabasag sa katahimikan kundi putok din ng baril. Hatinggabi, may hinarang at pinaatras ang mga tao na isang hanay ng mga armored vehicle na patungo sana sa Channel 4. Nagpaputok ang mga sundalo at may ilang taong nasaktan.

Ala-una (1:00) ng umaga, sa Nagtahan pa rin, may isang grupo ng estudyante na nagpaputok ng rebentador. Tulad ng inaasahan, nagulat at sumagot ng putok ang mga aantok-antok na sundalo. Nagliparan ang mga bala sa ibabaw ng tulay; dapa ang limang daang (500) aktibista na nagkampo doon. Paminsan-minsan, hinahagisan nila ng mga bato at bote ang mga sundalo na panay ang paputok sa ere. Hindi yata naisip ng mga sundalo na lalong nenerbiyosin ang pamilyang Marcos sa putukan.

Tila nabibilang na ang oras ng mga Marcos sa Palasyo. Nagbabalót na ang mga anak kahit 'di pa malinaw kung sasama ang ama nila o hindi. Ang dalawang manugang ni Marcos ang nangangasiwa sa pag-iimpake ng dose-dosenang kahon ng mga pag-aari ng pamilya, may kabilang na gold bullion at bonds na daan-daang libong dolyares ang halaga; milyun-milyong piso na bagong imprenta na mahigit isang milyong dolyares ang halaga; at mga alahas at mga gamit na antigo, na inihatid ng isang bapor sa tabing-ilog ng US embassy. Iyong mas malalaking gamit, mga oil painting at iba pa, ay nailabas na ni Gng. Marcos ng bansa, karga rin ng bapor, dalawang linggo na ang nakakaraan.

Halos walang natulog sa Palasyo nang gabing iyon. Ang mga aide ay nagkarimot, iniisa-isa ang mga kuwarto, sinasala ang mga kabinet at kahon na punong-puno ng mga dokumento, resibo, at mga liham na karamihan ay incriminating. Labas-pasok si Imelda sa kanyang pribadong kapilya, luhod-tayô, nagdadasal, tila wala sa sarili. Hindi na niya nakuhang payuhan ang asawa na nakikipagtalo kina Bongbong at Ver, na parehong ayaw umalis at gustong lumaban.

Alas-dos kuwarenta'y singko (2:45) ng umaga (Lunes ng hapon sa Washington D.C.). Lihim na kapulong nina Shultz, Habib, at Armacost ang tatlumpung mambabatas, kabilang ang kaibigan ni Marcos na si Senador Paul Laxalt ng Nevada, nang tumawag si Marcos sa telepono, ibig makausap si Laxalt. Itinanong ni Marcos kung ano kayâ ang totoong niloloob ni Reagan. Sa kanya ba talaga nanggaling iyong pahayag tungkol sa pagbabago ng gobyerno o pakana lang ba ito ng State Department? Kinumpirma ni Laxalt na kay Reagan mismo galing ang pahayag tungkol sa mapayapang transition. Bente minutos sila nag-usap. Magaralgal ang boses ni Marcos, halatang pagod. Nag-alok siya ng mga alternatibo, tulad ng pakikipag-share ng kapangyarihan kay Cory. Pinaalala niyang beterano siya sa pagkikipaglaban sa mga komunista at sa pakikitungo sa mga foreign creditor. Puwede siyang magsilbing "senior adviser" ni Cory at manatiling Presidente hanggang matapos ang term niya sa 1987. Nangako si Laxalt na ipararating niya kay Reagan ang mga panukala at tapos ay tatawagan niya si Marcos. Tinawagan din ni Imelda si Nancy Reagan at itinanong kung anong ibig ipahiwatig ni Reagan. Itatanong daw ni Nancy sa asawa.


Alas-tres kuwarenta'y singko (3:45) ng umaga. Patuloy ang pagtiwalag ng mga tropa ni Ver. Dapat ay ipaghakot siya ng sundalo ng dalawang eroplanong RF-27 at dalawang C-130, subalit sa Clark Air Base lumipad ang mga piloto at doon nanatili, kunwari'y walang gasolina, hanggang natapos ang rebolusyon. Ito rin ang nangyari sa limang T-33, sampung F-5, at pitong F8 na nanggaling sa Basa Air Base, gayon din sa isang C-130 galing Legaspi City na may lulang mga tropa para sa MIA. Sa ganitong paraan nalipat sa rebeldeng militar nang buong-buo ang 5th Fighter Wing at ang 220th Heavy Airlift Wing.

Gayon pa man, alam ng mga Kano na hawak pa rin ni Ver ang karamihan ng fighting forces ng AFP. Tinawagan ng U.S. State Department sa telepono ang dalawang CIA officer na na-destino na sa Maynila at nagpatulong sa kanila na kumbinsihin si Ver na lumayas kasama ni Marcos. Bilang ganti, gagarantiyahan ng Amerika ang kaligtasan ng heneral at ng kanyang pamilya.

May katwirang mabahala ang mga Kano kay Ver. Kahit nabalaan nang hindi siya makakaalis kasama ni Marcos kung magkakagulo, balak pa rin ni Ver na bawiin ang MBS 4 sa mga rebelde, kayâ niya pinapareport si Brawner sa Army headquarters sa Fort Bonifacio. Mabuti na lang, ayaw nang sumali ni Brawner kahit sa pag-secure sa mga istasyon ng radyo at telebisyon na hawak pa ng pamahalaan. Sa halip, naghahandang magreport si Brawner sa Camp Crame.

Sa Channel 4. May dalawang dayuhang peryodistang nakipaglamay kay Behn Cervantes. "Napansin din nila ang laro ng maliliit na heneral na masusing iniintindi ang mga utos nina Ramos at Enrile sapagkat nangangarap ng matataas na puwesto sa media. Ang mga artista ay nagpapa-cute pa rin o kayâ ay nagkukunwang marurunong at malalalim mag-isip. Hindi na sila kawili-wiling makasama, pero may bantang salakay pa rin kayâ hindi ka makaalis. 'Pag ganitong may nangyayari, nakapako ka sa puwesto mo. Dahil ba gusto mong tumulong, o gusto mo lang makasali? Pero kasali ka na rin lang, ba't di ka pa sumawsaw sa aksiyon?"

Alas-kuwatro y medya (4:30) ng umaga, sa Channel 4. Nanggising si June Keithley. Magdasal daw muna ang mga tao at pagkatapos ay paligiran ang Crame at ang himpilan upang mapigil ang paglusob ng kaaway. "Alalahanin ninyo," paulit-ulit niyang sabi, "pinakamadilim na oras 'yung bago sumikat ang araw." Hindi malinaw kung anong balita ni Keithley galing Fort Bonifacio pero tila patuloy ang datíng ng impormasyon tungkol sa mga planong pagsalakay ni Ver.

Sa Camp Crame, nang nabalitaan ni Ramos na handa nang magdefect si Brawner, sinabi niya kay Brawner na manatili sa Fort Bonifacio at pagkaisahin ang Army base doon. Nasa kamay na rin noon ni Ramos ang mga modernong executive jet, mga helicopter, at iba pang eroplanong gamit dati ng pamilyang Marcos at ng matataas niyang opisyal.

Alas-singko (5:00) ng umaga sa Malakanyang, natanggap nina Marcos at Imelda ang hinihintay nilang mga tawag galing Washington. Agad tinanong ni Marcos kay Laxalt kung pinagbibitiw siya ni Reagan. Ani Laxalt, "Walang karapatan si Reagan na hilingin iyan." Natahimik saglit si Marcos. 'Tapos, "Senador, anong palagay mo? Dapat ba akong magbitiw?" Sagot ni Laxalt, "Mr. President, palagay ko ay dapat mo nang tapusin ang lahat, at sa malinis na paraan. Dumating na ang sandali." Natahimik si Marcos. Akala ni Laxalt, naputol na ang linya. "Mr. President, nandiyan ka pa ba?" Sagot ni Marcos, na mahinang-mahina ang boses, "Oo, nandito pa ako. Masamang-masama ang loob ko." Bigo rin si Imelda kay Nancy. Ani Nancy, aanyayahan sila ni Reagan na manirahan sa Amerika kung iiwasan ni Marcos ang karahasan at tutulong siyang isaayos ang pagpasok ng bagong pamahalaan.

Hindi matanggap ni Marcos na dumating na siya sa dulo. Tinawagan niya uli si Ople, ang kanyang kakampi sa Washington, ngunit masama rin ang balita nito, grabe raw ang pagpuna kay Marcos doon. Mahinay na tinanong ni Ople kung bakit hindi na lang sila umalis. Sabi ni Ferdinand, bantulot si Imelda. "Nandito siya sa tabi ko. Ayaw niyang umalis."

Alas-singko (5:00) rin ng umaga, sa Sta. Cruz, Manila. Parang Semana Santa at Pasko sa Philippine Rabbit Lines na dinagsa ng mga pasaherong nagmamadaling makalayo sa siyudad; kahit anong sasakyan ay sinusunggaban nila.

Alas-singko y medya (5:30) ng umaga sa Malakanyang, binawi ni Marcos sa wakas ang utos niyang pasabugin ang Camp Crame. Pagkatapos ay inintindi niya ang pamilya niyang kinukulit siyang umalis kasama nila. Tila nagbago na ang isip ni Marcos. Dati ay nagmamatigas siya na magpapaiwan at lalaban, pero ngayon ay wala siyang imik. Noon daw tumawag si Tommy Manotoc sa US Embassy at ipinarating sa mga Kano (na Lunes pa ng gabi naghihintay ng tawag) na mukhang tuloy na ang pag-alis ni Marcos.

Sa Times Street, Quezon City. Kasisikat ng araw nang datnan si Cory ng mga bisita: sina Fr. Joaquin Bernas at Jimmy Ongpin, may kasamang dalawang heneral. Sinolo muna ni Fr. Bernas si Cory. "Alam mo," sabi niya, "gusto talaga nila na sa Crame ka manumpa. Hindi nila maintindihan kung bakit wala ka yatang tiwala sa kanila." Sagot ni Cory, "Hindi ito tungkol sa tiwala; inihahanda na ang Club Filipino, at gusto ko talaga na maganap ang inagurasyon sa isang lugar na sibilyan. Kilalá pati ang Club Filipino na kampi sa oposisyon at hindi kay Marcos."

Maliwanag na ang araw. Ligtas na sa salakay ang Channel 4. Naglakad pauwi si Behn Cervantes, kasama ang dalawang foreign correspondent. Nakita nila ang libo-libong tao na naglamay at nagtanod at gininaw buong gabi, walang pampainit kundi maliliit na apoy na sinindihan para lamang makita at makakita sila. Pero pampainit na rin ang alab ng puso ng isa't isa. May nagrarasyon ng pagkain. "Hello, Joe!" bati ng mga bata sa dalawang dayuhan, sabay L-sign.

Sa EDSA, nakatulog ang mga tao sa gitna ng baho ng basura at panghi ng ihi. Alas-sais (6:00) ng umaga, nagtayuan sila at nagdasal kasabay ng boses na umaalingawngaw sa mga loudspeaker. 'Tapos, nagtaasan sila ng mga kamay na naka-Laban sign at inawit ang "Bayan Ko."

Alas-sais (6:00) ng umaga sa Club Filipino, San Juan. Umaapoy ng dilaw ang kapaligiran, dala ng mga taong nagsidatingan galing sa paglalamay sa EDSA.

Sa Times Street, Quezon City, nakaalis na ang mga heneral. Kakuwentuhan ni Cory sina Fr. Bernas at Jimmy Ongpin. Paroo't parito ang mga anak niyang babae, nagpapaplantsa ng mga damit na isusuot nila sa inagurasyon. Si Eldon Cruz, isang manugang, ang sumasagot sa mga teleponong walang tigil ang kililing. Biglang may kumalampag na mga putok ng machinegun, parang ang lapit-lapit, na sinagot ng kalantog ng mga ripleng M-16. Lahat ay payukong tumakbo sa isang pasilyong bato maliban kay Noynoy, kaisa-isang anak na lalaki nina Cory at Ninoy, na humangos palabas, naka-pajama at flak jacket, may dalang Colt .45 na automatic.

Sa Mother Ignacia Street, hawak ng tatlumpung (30) loyalistang militar ang transmission tower ng Channel 9. Pinaulanan nila ng rifle fire ang may animnapung (60) rebeldeng sundalo na nag-aakmang agawin ang tower. Dinig na dinig din ang putukan sa bahay ni Behn Cervantes kung saan nag-aalmusal sila ng kanyang mga bisita. Hangos sila palabas, takbo papuntang Bohol Avenue at Channel 4 na may kalahating kilometro ang layo. May dumaang kotse. "Angkas!" sigaw ni Behn. Huminto ang kotse at pinasakay sila. Itsurang college students ang dalawa sa harap, na tila tuwang-tuwa at may nakasama silang professionals. Tumawid sila ng Timog, kumaliwa ng Mother Ignacia. May nakita silang mga sundalo na mahahaba ang armas. "Atras!" sigaw ng isa. Atras ang kotse, baba sina Behn at takbong papalayo. Putukan na naman. Takbo sila pabalik. May tumumba; sumigaw ng saklolo ang kasama. Agad may grupong sumaklolo sa biktima, isinakay sa kotseng inangkasan nina Behn. Laking pasasalamat ng dalawang estudyante; may dahilan silang iwan ang war zone.

Samantala, magdamag ang tawagan ng US Embassy, ng Washington, at ng Malakanyang. Alas-siyete (7:00) ng umaga, tinawagan ni Bosworth si Allen ng JUSMAG, kaugnay ng paghakot sa mga Marcos mula sa Palasyo. "Maghanda ka ng transportasyon para sa tatlumpung (30) tao," utos ni Bosworth; "dalhin mo sila kahit saan nila gustong pumunta. Responsibilidad mo ang security nila." Transportasyon na panlupa, panghimpapawid, at pandagat ang ipinahanda niya kay Allen, iyong kikilos sa loob ng isang oras sa sandaling handa na ang mga Marcos. Hindi pa rin sila nakakatiyak na aalis ang diktador kasama ng kanyang pamilya, pero sa tingin nila at ng mga anak niya, mas malamáng na sumama si Marcos kung puwersang Kano (kaysa puwersang Ver o Enrile) ang susundo sa kanila.
Kababalik ni Noynoy sa Times Street. Itinuro niya kina Cory ang antenna tower at ang nakadapong sniper ­ kitang-kita sa picture window ng bahay. Parang ang lapit-lapit ng nakatalikod na sniper, abót ng bala ng riple. Pero bale wala kay Cory, na ubod nang cool. Pinag-impake ang mga anak niya, sabay nag-excuse me sa mga bisita para maligo at magbihis.

Sa Camp Crame, pinagtatalunan pa rin ng rebeldeng militar ang inagurasyon na gaganapin sa Club Filipino. "Nagkasigawan noong umagang iyon," ani Enrile, "sapagkat iginigiit pa rin ng mga nakatataas na opisyal ng militar na sa Crame dapat manumpa si Cory." Nakiusap daw si Enrile sa kanyang mga batà na magkaisa sila at suportahan kung sino ang nahalal. Malinaw na hanggang noon, Martes na ng umaga, hindi pa rin tanggap ng rebeldeng militar na si Cory, at hindi sila, ang masusunod. Posibleng pinagtalunan din noon kung dapat bang dumalo sina Enrile at Ramos sa seremonya. Kung dadalo sila, pahiwatig iyon na tinatanggap nila ang Awtoridad ni Cory.

Muli, bumigay sina Enrile at Ramos. Pasado 8:00 ng umaga, paalis na sana sila papunta sa Club Filipino, nang tumawag si Marcos sa telepono. Hindi pa rin sumusuko ang diktador. Paano raw maaareglo ang problema. Sabi ni Enrile, hindi niya alam. Ani Marcos, "Bakit hindi tayo magtayô ng provisional government? Mananatili akong honorary president hanggang 1987; gusto ko lang na maging malinis at maayos ang paglisan ko sa pulitika." Sabi daw ni Enrile, hindi siya interesado sa kapangyarihan. Isa pa, huli na ang lahat; naipangako na niya ang suporta niya kay Aquino. Tinanong ni Marcos kung makakaalis siya sa Pilipinas nang walang panganib. Tugon daw ni Enrile, "Wala kaming dahilan para saktan kayo. Kung gusto niyo, poprotektahan namin kayo, pati ang pamilya niyo." Tinanong ni Marcos kung makakabalik siya nang walang peligro kung sakaling mangibang-bansa siya. "Bakit hindi?" sagot ni Enrile. "Ito ang inyong lupang tinubuan." Itinanong ni Marcos kung gayon din ang magiging pagtrato kay Ver. "Iyan ay hindi ko maipapangako," sagot daw ni Enrile.

Umaga pa lang ng Martes, limitado na ang mga option ni Marcos. Madaling araw pa lang ay tinanggihan na ng Amerika ang kahit anong areglo na ikatatagal pa niya sa puwesto. Si Enrile na lang ang pag-asa niya subalit hindi na niya ito natuksong magbalik-loob kahit anong alok niya ng kapangyarihan na inaangkin at ipinagdadamot ni Cory. Gayunman, desidido pa rin si Marcos na ituloy ang sariling inagurasyon, nagbabaka-sakali siguro na babaliktad pa ang agos.

Alas-ocho (8:00) rin ng umaga, sa harap ng Club Filipino. Umaapaw na ang tao, abot na sa kalapit na commercial center. Punóng-punô ang Sampaguita Hall, kung saan manunumpa sina Cory at Doy. Tatlong-daan (300) lang ang kapasidad ng bulwagan subalit limang-daan (500) ang pinapasok, kabilang ang mga lider ng oposisyon, mga peryodista, mga kilalang tagapagtaguyod ng oposisyon, at siyempre ang mga pamilyang Aquino at Laurel. Ang presidential table ay nakareserba para sa labinlimang (15) tao, kabilang ang mga dating Bise Presidente Fernando Lopez at Emmanuel Pelaez at Supreme Court Justices Claudio Teehankee at Vicente Abad Santos. Nakaabang si Laurel kay Aquino sa pinto ng bulwagan.

Sa Malakanyang, magkasabay nag-almusal sina Chief Justice Aquino at Imee Marcos. Mukhang hapong-hapo si Imee. Inamin niyang wala silang tulog na magkakapatid dahil ipinatawag sila ng Presidente sa kanyang kuwarto at magdamag na kinausap. Halatang ayaw magkuwento ni Imee.

Sa Camp Crame, iniintindi ni Ramos ang security ng Club Filipino. "Pabago-bago pa rin ang sitwasyon. Mayroon pa ring mga banta galing sa natitirang puwersa ni Ver na kayang-kayang bombahin ang Club Filipino habang nagaganap ang inagurasyon. Bumuo kami ng isang composite battalion sa pamumuno ni Colonel Ricaredo Sarmiento upang i-secure ang paligid. Mayroon din kaming mga helicopter na nagmamatyag mula sa himpapawid, handang magreport agad kung kikilos ang kaaway."

Samantala, nagngingitngit sa galit si Cely Bacani-Abad habang nag-aalmusal. Sa bagong Channel 4, umeeksena na ang mga dating kampon ng diktador, na kay bibilis bumalimbing. "Kapag ikaw ay sawang-sawa na sa kasinungalingan, manipulasyon, panunupil, katiwalian, mga tuta at katoto, at kawalan ng katarungan kayâ sa wakas ay inalay mo ang buhay mo upang maging karapat-dapat sa tagumpay na matagal nang inaasam, at habang nilalasap mo ang kadakilaang ito, kasabay ng kape't almusal, at tatambad sa TV screen ang walang kakuwenta-kuwentang itsura ni Johnny Litton: qué horror! Anong ginagawa ng madungis na multong ito sa TV channel na pinalaya na ng taong-bayan? Ipagpaumanhin niyo, pero sa mismong sandaling ito, sukáng-suká ako.

Alas-ocho y medya (8:30) ng umaga pa lang ay handa nang kumilos patungong Malakanyang ang combat veteran na si General Allen, may dalang apat na helicopter na may tig-aapat na crew. Mayroon ding isang C-130 transport plane na handang lumipad patungong MIA, sakaling magkotse ang mga Marcos paalis ng Palasyo; at may apat na bapor galing Subic na papunta sa Manila Bay upang doon magpaikot-ikot hanggang oras nang kumilos patungong Malakanyang.

Sa Times Street, hindi nagkikibuan, palakad-lakad sa pasilyong bato, ang mga bisita ni Cory. Nagugulat pa rin sila sa manaka-nakang putukan, parang ang lapit kasi, sobrang lapit. Nagrorosaryo si Fr. Blanco, isa-isang binubusisi ng mapuputla niyang daliri ang bawat butil. Pigil na pigil ang panginginig ni Fr. Bernas; nagkukunwaring hindi takot. Ninenerbiyos din si Ongpin, na panay ang ayos sa salamin niya sa mata habang sinasagot ang walang patid na mga tawag sa telepono.

Alas-nuwebe (9:00) ng umaga sa University Belt sa Maynila. Nagmistulang war zone ang Sampalok. Nagkalat kung saan-saan ang mga gomang nasusunog. May mga bato at mga hollow block at malalaking punò na nakaharang sa mga kalsada, panghadlang sa mga tangke at trak na maaaring pasugurin ng Malakanyang sa mga tanggulan ng mga tao. Magaan ang trapiko at ang daming naglalakad na tao na mukhang listo at desidido.

Sa Malakanyang, nagbabalot na rin ang mga aide para daw sa biyahe papuntang hilaga. Iniimpake nila ang mga importanteng papeles, kasama ng mga personál na kagamitan ng Unang Pamilya. Itinabi ng isang sekretarya ang mga papeles na ipapasunog.

Sa Times Street, handa na si Cory sa wakas; nagsakayan na sa mga kotse ang tropa na makikipagtagpo pa sa ibang oposisyonista para sabay-sabay silang magtungo sa Club Filipino. Grabe ang nerbiyos ng mga kasama ni Cory sa motorcade dahil napakabagal ng takbo ng kanyang Chevrolet Suburban, daig pa ang namamasyal, at maingat na tumitigil sa bawat pulang ilaw kahit halos walang trapiko. Mabuti na lang at hindi naaaninag si Cory. Madilim ang tint ng mga bintana niyang bulletproof.

Alas-nuwebe (9:00) ng umaga sa Club Filipino. Nag-grand entrance sina Enrile at Ramos, dumating lulan ng helicopter, kapwa naka-combat uniform. "Pinagkaguluhan sila ng mga tao, na manghang-mangha sa kanilang mga armas," kuwento ni Rolando Domingo, na nasa labas ng Club Filipino noon. "Itinaas ng isang batang sundalo ang kanyang Uzi na may dilaw na lasong nakatali sa nguso. Kuwentuhan ang mga magkakaibigan, panay ang klik ng mga kamera, maya't maya ay may pinapalakpakang sikát na bagong datíng. Mayroon pang brass band, nagmamartsa, tinugtog ang 'Bayan Ko' at 'Tie A Yellow Ribbon.' Tinugtog din ang 'Dixie' para mapansin ng isang news video team na Kano.
Sa Sampaguita Hall, tila hindi inaasahan ang pagdalo nina Enrile at Ramos. Pagdating nila ay saka lamang sila ipinagdagdag ng upuan sa presidential table. Pumirma ang dalawa sa Citizens' Resolution na nagpapawalang-bisa sa proklamasyon nina Marcos at Tolentino at nagtataguyod kina Aquino at Laurel bilang Presidente at Bise-Presidente.

"May dumating ding mga kagalang-galang na lider ng bansa, mga arkitekto ng tagumpay ni Cory, at mga Cory clone na simple at elegante ang mga bestida at maiikli ang buhok," kuwento ni James Fenton. "Dalawa ang klase ng hairdo sa Maynila. Ang Cory style at ang Imelda style. Iisa ang Imelda clone na naanyayahan sa elitistang pagtitipon na iyon."

Bago tumuloy sa Club Filipino, dumaan muna ang motorcade ni Cory sa bahay ng kapatid niya sa Wack Wack at inalam niya kung handa na ang lahat sa Club Filipino. "Tinawagan ko si Doy Laurel sa telepono at ikinuwento sa kanya ang tungkol sa mga heneral," kuwento ni Cory. "Pero sabi ni Doy, ayos na ang lahat. Gumaan ang loob ko at naisip ko na noon lamang kami nagkasundo ni Doy sa isang importanteng isyu."

Nasa Mother Ignacia Street pa rin si Behn Cervantes. Wika ni Behn: "War zone nga ba ang Mother Ignacia? Oo at hindi. May putukan nga, pero walang tigil ang satsatan at komentaryo ng mga tao sa paligid. May housemaid na lumabas sa isang bahay, nag-display doon, ipinapakita na hindi siya natatakot kahit sa mga sniper sa tore. Napailing na lang ang isang lalaki: 'Talaga naman, o?' Sinusugan ito ng isang batang gusgusin na sinigawan ang housemaid: 'Hoy, gusto mo bang mabaril, ha?' Inirapan sila ng babae, sabay talikod at balik sa bahay. Katakot-takot na tukso ang humabol sa kanya. Tulad ng nasasabi, ang Pilipino ay hindi malagim na rebolusyonista. Kuwentuhan at biruan sila pag nagmamartsa. Ginagawang piknik ang mga rally. At nagbibihís sila para sa okasyon. 'Di tulad ng mga aktibista ng Europa o Amerika na mababagsik at walang pakialam sa itsura nila."

Sa paligid ng Club Filipino, mayroong malayong ugong na maririnig, umiindayog, palapit nang palapit. Naulinigan agad ito ng mga tao at kanilang sinabayan. "Co-ry! Co-ry! Co-ry!" Nakikita na sa malayo ang Chevy na tila binubuhat papalapit ng mga taong nakataas ang kamay, kasunod ang isang kumpol ng makikintab na Mercedes Benz. Nakakatulig na ang ingay nang dumating ang van sa driveway ng Club sapagkat may dumagdag pang air horn at air raid siren.

Alas-diyes kinse ( 10:15) ng umaga dumating si Cory sa katangi-tanging okasyon sa buhay niya. Matingkad ang dilaw ng bestida niyang linen na kalado't bordado ang manggas. Mas makapal ang make-up niya kaysa karaniwan; hikaw na brilyante at dress watch ang tanging alahas niya. Bahagya nang makasulong si Cory papasók sa Club dahil sa nakapaligid sa kanya na mga supporter na nakataas ang mga kamay at naka-Laban sign.

"Ang nakakakoryente, noong dumating si Cory Aquino sa Sampaguita Hall," kuwento ni Ramos. "Sumabog ang palakpakan habang nagkakawayan ang mga banderang dilaw at kung ano-ano pang dilaw. Nagpapasalamat ako sa Diyos na naging bahagi ako ng makasaysayan at makabagbag-damdaming okasyon na iyon."

In-escort ni Laurel ang bagong Presidente sa presidential table kung saan inalayan siya ng isang pumpon ng dilaw na bulaklak. Pambungad, inawit nina Stella at Cocoy Laurel ang Pambansang Awit, pagkatapos ay tumawag sa Diyos si Bishop Federico Escaler. Tapos, binasa ni Neptali Gonzales ang resolusyon na nagpoproklama kina Gng. Aquino at G. Laurel bilang Presidente at Pangalawang Presidente. Pinawalang-bisa ng resolusyon ang proklamasyon ng Batasang Pambansa kina Marcos at Tolentino. Ang makasaysayang dokumento ay minakinilya sa ordinaryong bond paper lang, na gusot na gusot na dahil dumaan sa mahigit isang daang kamay na pumirma, unang-una ang mga oposisyonistang MP. Habang binabasa ni Gonzales ang mga pangalang nakalagda, marami pang pangalan ang inihahabol, nakasulat sa pira-pirasong papel na ipinapasa kay Gonzales ni dating Senador Ernesto Maceda. Pinakamalakas ang palakpak para kina Minister Enrile, General Ramos, NAMFREL boss Joe Concepcion, Chino Roces, at para sa biyuda ni Evelio Javier.

Alas-diyes kuwarenta (10:40) ng umaga, sumumpa si Salvador Laurel bilang Pangalawang Presidente sa harap ni Supreme Court Justice Vicente Abad Santos. Alas-diyes kuwarenta'y sais (10:46) ng umaga, sumumpa si Corazon Aquino bilang Presidente sa harap ni Supreme Court Justice Claudio Teehankee. Naghari ang katahimikan habang malinaw at marahang binibigkas ni Justice Teehankee at ni Cory ang sumpa. Nang natapos si Teehankee, sumabog ang katakot-takot na hiyawan at sigawan mula sa daan-daang lalamunan. Kawayan ang mga bandila, liparan ang mga sombrero't bandana. Sa labas, sayawan ang mga tao sa kalye. Maya-maya, tumahimik bahagya ang mga tao at inawit ang "Ama Namin," gayon din ang "Bayan Ko," himig ng himagsikan na nilikha noong bagong sakop ng Amerika ang Pilipinas, at naging pambansang awit noong patayin si Ninoy. Nangilid ang luha sa maraming mata. Sa himpapawid, mahinay na inikot-ikot ng mga helicopter gunship ang bughaw na langit.
 

Sinilip ng mga Coryista kung alam nina Ramos at Enrile ang awit ng oposisyon. Nagulat sila dahil hindi lang nakiawit ang dalawang bandido ng "Bayan Ko," itinaas din nila ang mga kamay nila at nag-Laban sign. 


Ani Cory: "Dahil hatinggabi inagaw ang mga karapatan at kalayaan natin, labing-apat na taon na ang nakakaraan, dapat lamang na mabawi natin ang mga ito sa buong liwanag ng araw." Inisyu ni Cory ang una niyang utos bilang Presidente ­ Executive Order No. 1 ­ na nagpunô sa tatlong importanteng puwesto sa gobyerno niya. In-appoint niyang Prime Minister si Salvador Laurel, Defense Minister si Juan Ponce Enrile, at Chief of Staff ng Bagong AFP si Fidel Ramos. Na-promote din si Ramos; mula tenyente heneral, naging ganap na heneral.

"Si Johnny Ponce Enrile ang pinili ko para maging Defense Minister dahil wala namang iba sa oposisyon na tatanggapin at igagalang ng militar," sabi ni Cory. "Bukod diyan, ibig kong ipamalas sa kanya ang aking pasasalamat. Wala naman akong utang na loob kung ibang tao pa ang inilagay ko sa puwestong iyon."

Tulad ng gusto ni Cory, nauna siyang manumpa kaysa kay Marcos. Kakatwa nga lang na pumayag siya na isalig ang gobyerno niya sa mismong 1973 Constitution na ipinasadya ni Marcos para sa batas militar. Ano't ano man, hindi pinalad ang gobyernong ito. 'Di nagtagal, binuwag ito ni Cory at pansamantalang pinalitan ng rebolusyonaryong gobyerno habang sinusulat ang Freedom Constitution.

Kay Amando Doronila, political analyst, maliwanag ang pahiwatig ng hilera ng mga bisita na nakaupo sa presidential table. "Nakákasamâ ng loob na wala ni isang kinatawan ang mga maralitang Pilipino. Karamihan ng nakapasok sa bulwagan ay mga miyembro ng mga pamilyang dati nang naghahari sa pulitika at sa pamahalaan. Wala sa Club Filipino ang mga bagong puwersa sa lipunan na nararapat nang kilalanin."

Tugon ni Cory sa mga puna: "Akala siguro nila, maayos na ang lahat noon at wala akong inaalala kundi ang isusuot ko. Ang totoo, wala pa ring katiyakan ang sitwasyon, puwede pa rin kaming patayin noon. Ni wala nga akong pormal na talumpati na nakahanda; minadali lang ito ni Teddy Boy Locsin pagdating doon. Wala rin kaming papel kayâ sa likod lang ng isang telegrama ito nakasulat. Nagdagdag na lang ako ng sarili kong salita. Noong planuhin namin ang inagurasyon, importante lang na manumpa ako. Pero hindi ito pormal na take-over. Nagkaroon lamang ng dalawang Presidente. Ayun nga ako sa Club Filipino, pero hindi ko alam kung anong susunod kong gagawin, saan ako pupunta? Sa huli, nagpasiya akong magtungo sa Manila Memorial at magdasal sa libingan ni Ninoy. Nang marinig ito nina Jojo Binay, tinanggal nila ang mga barikada sa EDSA para makadaan kami. Pagdating ko sa libingan, sabi ko, bueno, Ninoy, heto na ako."

"Pagkatapos ng inagurasyon ni Cory Aquino bilang Presidente ng bagong gobyerno," kuwento ni Ramos, "tinutukan ng mga tropang RAM ang pagsakop sa ibang himpilan ng telebisyon na nasa kamay pa ni Marcos."

Sa Mother Ignacia Street, may kotseng dumaan, humahagibis, tila ang mang-aawit na si Nonoy Zuniga ang nasa manibela. Kaway at sigaw si Behn, pero hindi siya narinig, may putukan kasi. Maya-maya, bumalik din ang kotse; imposible kasing makalusot sa direksyong iyon. Isinakay ni Nonoy pabalik sa studio sina Behn. Nagpasikut-sikot ang kotse sa mga taong nagtatakbuhan at sa putukang umaalingawngaw. Parang pelikula. Kayâ lang hindi ito pelikula, totoo ito! May mga nanay, hila-hila ang mga bata. Mga seminarista, may tulak-tulak na karetong lulan ang isang istatwa ni Maria, patungong digmaan. Sa entrance ng Channel 4, lalo pang mahigpit ang security. Sa loob, patuloy ang paligsahan. Mayroon nang nag-walk out. Bilib sa sarili ang mga natirang matibay. Makauwi na nga lang, sabi ni Behn. 'Di na bale ang putukan. Mabuti na doon kaysa dito.

Sa palibot ng Malakanyang Palace. Umaapaw ng tao ang JP Laurel, people power daw ni Marcos. Mula Nagtahan Bridge hanggang Ayala Bridge, punong-puno ang kalsada ng mga taong may dalang mga plakard at banderang nagsasabing, "Marcos pa rin!" May mga dalawang libo (2,000) ang tao sa kalsada at mahigit isang libo (1,000) sa loob ng bakod ng Palasyo kung saan may pa-kape at pa-sandwich. Apaw din ang tao sa Mendiola, na kakabit ng JP Laurel at Legarda. Sa barikadang bakal papuntang Legarda, may nagtipon na mahigit isang libong mga supporter ni Aquino, minamatyagan ang mga sundalong guwardiya at nakikipagkantiyawan sa mga supporter ni Marcos.

May limang libong tao ang nakapaligid sa entablado sa labas ng Maharlika Hall na ipinatayô para sa inagurasyon ni Marcos ngunit hindi ginamit. Wala pang isang libo ang pinapasok sa loob ng Palasyo, at kalahati lamang nito ang pinapasok sa Ceremonial Hall kung saan manunumpa si Marcos.

Bandang 11:30 ng tanghali sa Gate Four ng Malakanyang. May isang libong tao pang dumagdag sa mga barikadang pro-Marcos. May isang lalaking naka-bullhorn na malugod na sinasalubong ang mga sasakyan at bisitang nagdadatingan. May mga report na ilan sa kanila ay binato sa daan ng mga grupong pro-Aquino. Ninenerbiyos ang security men ng Presidente. May nagpaputok ng rebentador sa hanay ng mga tao. Mabilis na bumunot ang isang sundalo at nagpapaputok. May nasaktang isang tenyente ng Army at walong sibilyan, kabilang si Melinda Liu ng Newsweek.

Mas marami nang tao sa bakuran ng Palasyo, may dalawang libo't limang daan (2,500) na, na ang karamihan ay kasamahan ng mga nasa loob. Pasyalan sila sa damuhan na kailan lang ay may patanim ni Gng. Marcos na mga carrot, litsugas, at iba pang gulay bilang halimbawa ng Sariling Sikap. Kahalubilo ng mga tao ang armadong Marines na nagtatanod sa mga hardin, main gate, at ibang daan papasok sa Palasyo. Siyam na APC at tangke ang nakaupo sa damuhan; umaandar ang makina ng ilan. Daan-daan ang mga sundalong naka-M-16 rifles.

Sa loob ng Palasyo, hindi napunô ng ilang Cabinet ministers, mga opisyales ng KBL, at mga kasapi ng iba't ibang pangkat na pro-Marcos ang Ceremonial Hall. Karamihan sa limang daang (500) bisita ay hindi pormal ang bihis, na lihis sa patakaran ng mga Marcos na pormal dapat ang gayak ng mga bisita sa mga seremonya ng Palasyo.

Kabilang sa matataas na opisyal na dumalo sa inagurasyon sina Tourism Minister Jose D. Aspiras, Ministers Estrella, Escudero, Tanchanco, Cendaña, Hipolito, Canlas, Laya, Juan Tuvera, MPs Arturo Pacificador, Rodolfo del Rosario, Manuel Collantes, Britanico, Raquiza, dating Senador Ganzon, at Justice Buenaventura Guerrero. Maraming nagtaka kung bakit wala si Arturo Tolentino, ang Bise-Presidente ni Marcos, gayon din sina Prime Minister Virata at Trade Minister Ongpin. Iilan ang dumalong heneral: sina Ver, Edon Yap, Barangan, Zumel, at Ochoco. Nandoon din ang dating aide at malapít na kaibigan ni Marcos, pero kaaway ni Ver, na si Colonel Dioscoro E. Yoro Jr., may hawak na sterling submachine-gun.

Ganap na 11:45 ng tanghali nang nag-grand entrance sa Ceremonial Hall ang pamilyang Marcos. Tumayô ang mga tao, nagkaway ng maliliit na watawat ng Pilipinas na yari sa papel, at sumigaw ng "Marcos! Marcos!" Eleganteng barong Tagalog ang suot ng presidente. Naka-terno sina Imelda at Imee. Naka-military fatigues pa rin si Bongbong. Nakaputing suit si Irene. Ang tingin ng mga peryodistang nandoon, lubhang balisa ang Unang Ginang na palakad-lakad, paroo't parito. Hindi tulad ng dati, na kusang nakikipag-chikahan sa press.

Kinanta ang Pambansang Awit. Tumawag sa Diyos si Fr. Domingo Nebres at tatlo pang ministro. Alas-onse singkwenta'y singko (11:55) ng tanghali, nanumpa si Marcos sa harap ni Chief Justice Ramon C. Aquino.

"At ngayon," pasakalye ng emcee, "ang sandaling pinakahihintay natin." Katataas ni Marcos ng kanyang kanang kamay upang taimtim na manumpa nang tirahin ng isang sharpshooter ni Colonel Honesto Isleta ang transmitter ng Broadcast City. Sa isang iglap, naputol ang broadcasts ng Channels 2, 9, at 13. Nawala si Marcos sa TV.

Pagkatapos niyang manumpa, may binasa si Marcos na maikling talumpati. Dalawampung minuto lang ang seremonya. 'Tapos, pinabalik si Chief Justice Aquino upang ulitin ang sumpaan para sa mga kamera at video-tape. Itsurang nagmamadaling umuwi ang mga bisita, lalo na ang matataas na opisyal. Tila wala ring balak si Cendaña magpakain ng mga peryodista tulad ng nakaugalian; nawala na lang ito bigla. Nakipagkamayan si Marcos sa mga bisita niya habang patungo sa balkonahe, kasunod ang asawa at binatang anak; sa balkonahe, kinawayan niya ang mga tao na nagtipon sa labas. Punô ang entablado ng mga photographer na pinagkukunan ng litrato ang huling eksena ng mag-asawang Marcos. Matapang ang talumpati ng diktador. Hiyawan at palakpakan ang mga tao tuwing palabán ang datíng niya, at sigawan ng "Martial law! Martial law!"

"Hulihin ang mga ahas!" sigaw din ng mga tao. "Ibalik sa amin ang Channel 4!" Wala nang broadcasting facility si Marcos. Wala nang naiwan sa kanya kundi ang balkonahe at ang mga tao. Tila namumugto ang mukha niya. Nakakasigaw pa siya ngunit kulang na sa puwersa. Ang mga tao na lang ang nagdadala sa kanya. Matapos magsalita ni Imelda, inawitan siya ng mga tao ng "Dahil Sa Iyo." Matamlay na inabot ni Imelda ang mikropono at umawit din. Nang malapit nang matapos, nakiawit din si Marcos, kahit boses-palaka. Nagyakapan ang dalawa. Pagkatapos, pumasok na ang pamilya sa mga kuwarto nila at hindi na sila nakita pang muli.

Saglit na pinigil ng mga peryodista si Ver sa pagtawid nito ng bulwagan at tinanong kung anong balak niya. Nakangiting sagot ni Ver: "Hindi kami nagpaputok kahit minsan." 'Di tulad ni Imelda, parang walang kaproble-problema si Ver.

"Simple ang problema ni Ver," ani Almonte. "Hindi niya kakampi ang mga tao kayâ walang ipinaglalaban ang army niya. Tingnan natin ang giyera sa Iraq. Malinaw na matatalo ang puwersa ni Saddam Hussein. Unang-una na, hindi pantay ang combat power ng dalawang panig. Ikalawa, 'yung kusang nagpabihag sa Allied Forces ang halos isang daang libong (100,000) sundalong Iraqi, ibig lang sabihin na hindi talaga sila naniniwala sa ipinaglalaban nila. Kahit sabihin pa natin na mahinang mahina sila ­ iisang kaaway ang kayang patayin ng bawat limang Iraqi ­ pero kung 50,000 ang Iraqi, nakapatay man lang sana sila ng 10,000 Allied soldiers. Ang nangyari, mas may dahilan silang sumuko kaysa lumaban."

Sa Palasyo, tinangkang tapatan ni Marcos ang People Power ni Cory. Nagbuo ng mga platoon ang isang libong (1,000) loyalistang sibilyan ­ tatlumpu't lima (35) sa bawat platoon. Ayon sa isang saksi, nag-military drill pa ang mga tropa. Akala nila ay bibigyan sila ng armas upang ipagtanggol ang kanilang Presidente, ngunit hindi ito nangyari.

Maliban sa pinakamalalapít nilang aide, ipinaglihim ng pamilyang Marcos ang balak nilang paglikas. Sa Washington, tinitiyak pa rin ng mga Kano na lalayas si Ver kasama ni Marcos. Ala-una y medya (1:30) ng hapon, kumililing ang telepono sa Malacañang Operations Center. Tumatawag si Norbett Garrett, Manila CIA station chief, ibig makausap si Ver. "Sabihin n'yo may ginagawa ako," utos ni Ver. Subalit nangulit si Garrett kayâ napilitang makipag-usap sa kanya si Ver.

Sa mga silid ng pamilyang Marcos, nakita ni Aruiza na nag-aalwas ng desk si Fe Roa Gimenez, private secretary ni Gng. Marcos, at nagpupunit ng mga papeles sa pamamagitan ng shredder. Mabagal na trabaho. Para mádalî, minabuti ni Aruiza na ipasunog ang mga papeles. Maaaring alam ni Gimenez ang tungkol sa pag-alis nila pero wala siyang sinasabi. Narinig lang ni Aruiza na nagtatawag si Gimenez ng malalapít na kasamahan upang tulungan siyang magbasura ng mga papeles na confidential.

Sa US Embassy, nag-aalala si Bosworth dahil buong umaga ay hindi niya makontak ang mga Marcos. Tinawagan niya si Allen at siyang pinatawag kay Manotoc. Hindi magkakilala si Allen at ang basketball coach na asawa ni Imee Marcos pero alam ng Heneral na tutol si Imelda sa lihim na pagpapakasal ng dalawa. Sa mga darating na araw, magpapasalamat daw si Allen na magaling gigitna ang mga Manotoc sa mga alitan ng pamilya.
Sa Camp Crame patuloy ang pag-defect ng mga sundalo ng gobyernong Marcos. May tanggapan na itinayo sa Crame grandstand para igiya ang mga sundalo, kahit anong ranggo, papasók sa Bagong AFP. Tinanggap ni Ramos si Brawner at ang buong Ranger regiment. Dumagsa ang mga opisyal at tauhan ni Piccio at ang mga opisyal at tauhan ng Army at Navy. Marami ay halos itinulak ng mga kamag-anak nila na nasa barikada.
Kakatwáng araw iyon na dalawa ang Presidente ng Pilipinas. Siyempre, mahibang-hibang ang mga Coryista sa tuwa, Presidente na si Cory. Kaya lang, Presidente pa rin si Marcos, makapangyarihan pa rin siya at, kumbaga sa chess, kanya ang susunod na tira. Kahit patuloy ang buhos ng mga defector sa Crame, maraming sektor ang AFP na nagdadalawang-isip pa rin; maaaring hindi nila type si Enrile o si Ramos o ang RAM, o kaya'y hindi pa sila lubos na kumbinsido na tapos na si Marcos. Para silang si Reagan, na hanggang sa huli ay umaasa na makakagimik pa, makakabawi pa, ang naghihingalong diktador.

Ang totoo, wala nang ibubuga si Macoy. Lunes pa ­ nang suwayin ng militar ang utos niyang pasabugin ang Crame ­ tapos na si Marcos. Imposible nang makuha ang Crame sa dahas. Walang tropang mangangahas kumontra sa People Power. Unang-una, nasa EDSA ang mga pamilya nila. Ikalawa, pati si Pope John Paul II ay nakikiusap na maghunos-dili sila.

Sa Channel 4, nag-isyu ng pahayag si Jaime Cardinal Sin sa pamamagitan ng telepono. "Nangangako akong itataguyod ko ang bagong pamahalaan sa pamumuno nina Corazon Aquino, Salvador Laurel, at Fidel Ramos at binabati ko sila sa kanilang tagumpay.

Sa Tomas Morato corner Timog, isang trak at isang jeep ng sundalong loyalista ang nagpipilit makadaan papuntang Channel 4. Nang 'di matinag ang mga tao sa barikada, basta na lang pinaputukan ng mga sundalo ang mga tao at tinadtad ng bala ang isang kotseng nakaparada sa Morato. Nagulat ang mga tao; tinamaan sa hita ang dalawang babae at isang lalaki. Gayunman, hindi pa rin nabuwag ang barikada ng mga tao. Napilitan ang mga loyalistang naka-puting armband na sa mga sidestreet ng Morato dumaan. Nanaig na naman ang People Power!

Sa punò ng Nagtahan Bridge, malapit sa Malakanyang, nagkabanggaan ang daan-daang loyalista ni Marcos at libo-libong kakampi ni Cory. Grabe ang tensiyon nang tumawid ng intersection galing Palasyo ang mga loyalista, nagkakaway ng maliliit na watawat ng Pilipinas. Inihatid sila ng dalawang batalyong Navy at Army jungle fighters sa pag-uutos nina Lieutenant Colonels Valerio Santiago at C.F. Fortuno. Nang habulin ng mga Coryista ang mga loyalista ng tuya at kantiyaw, gumulong ang dalawa pang APC at isang tangkeng Commando Chemite sa intersection.

Alas-tres y medya (3:30) ng hapon sa Malacañang Operations Center. Matapos ipaalám ni Ver kay Marcos ang tungkol sa tawag ni Garrett, tinawagan uli ni Ver ang CIA station chief. 'Tapos, pumasok siya sa kanyang opisina, hinubad ang kanyang uniporme, at nagdamit-sibilyan.
Kung si Ver ay tila desidido nang umeskapo, ang Presidente ay tila nagdadalawang-isip pa rin, o maaari ring nagda-drama na lang siya. Ayon sa mga ulat, sinabi ng Pangulo sa naiiwan niyang mga kaibigan at Cabinet ministers na desidido siyang mamatay sa Malakanyang kahit umiiyak na nagsumamo ang mga anak niyang babae na iwan na ang Palasyo at sumama na sa kanila. Hindi malinaw kung anong oras nangyari ito. Hindi rin malinaw kung saan balak magpunta ng pamilya ni Marcos.

Samantala, panay ang tawagán nina Manotoc at Allen sa telepono, pinag-uusapan ang mga detalye ng pagsundo sa mga Marcos. Tuwing itatanong ni Allen kay Manotoc kung saan sila dadalhin, hindi daw masabi ni Manotoc."
 

Alas-kuwatro (4:00) ng hapon, nagpakita si Ver sa Malacañang Park Community Hall. Nilapitan niya ang grupo nina Ochoco, Pattugalan, Zumel, Varona, Colonels Ochoco at Ver. Maaaring sinabi niya na aalis siya kasama ng mga Marcos. 


Alas-kuwatro (4:00) din ng hapon,
tinawagan ni Imelda sa telepono si Mel Mathay, Vice Governor ng kalakhang Maynila, at kinumusta ang lagay nila. Makakabawi pa kaya? Tahasang sinabi ni Mathay na talo na sila sa Maynila at dapat nang sumuko ang mga Marcos. Saka lang daw sinabi ni Manotoc kay Imelda ang tungkol sa alok ni General Allen ng mga American helicopter o mga Navy boat para mailabas ang may sakit na si Marcos at ang kanyang mga kasama sa kubkob na Palasyo. Idinagdag ni Colonel Aruiza na lubhang mapanganib ang sitwasyon sa labas ng Malakanyang. Ani Imelda, sabihin nila sa Presidente.

Sa kuwarto ng Presidente, nagkalat sa sahig ang mga kutson na tinulugan ng mga apo. May natulog din sa presidential bed, na hindi pa naaayos. Daan-daang libro ang patong-patong kung saan-saan sa kuwarto. May mga bunton ng papeles at dokumento sa ibabaw ng desk. Nakahiga si Marcos sa hospital bed, sa dakong kanan ng malaking kuwarto. Nakapikit siya, pinapaligiran ng mga doktor, nurse, at attendant; may nakaupo, may aali-aligid, nakatiyad. May nagtatanod ring mga security aide at valet. Ayon kay Dr. Juanita Zagala, nilalagnat si Marcos; 39 degrees ang temperatura. Nagising ang Presidente sa bulungan nila. Ibinalita ni Aruiza ang sitwasyon sa labas ng Palasyo. Kung makakapasok ang mga tao at mga rebeldeng sundalo, aniya, dadanak ang dugo. Pilit na bumangon ni Marcos. Nang nakatayo na ito, inutusan niya ang kanyang security ­ sina Alex Ganut, Jr., Jovencio Luga, at Ben Sarmiento ­ na iimpake ang kanyang mga damit, libro, at papeles. 'Tapos, pinatawagan niya kay Aruiza si Enrile. Saka lang ibinalita ni Manotoc ang alok ni Allen.

Bandang 5:00 o 6:00 ng hapon nang huling tawagan ni Marcos si Enrile sa telepono. "Puwede ka bang magpadala ng security force dito para patigilin kung sino man ang nagpapaputok sa Palasyo?" hiling ni Marcos kay Enrile. Ani Enrile, sasabihin niya kay Ramos na magpapadala ng isang contingent para matyagan ang sitwasyon. Nakiusap din si Marcos na tawagan ni Enrile si US Ambassador Bosworth. "Ibig ko nang lisanin ang Palasyo. Itanong mo sa kanya kung puwede kaming sunduin ng security force ni General Teddy Allen." Itinawag ni Enrile kay Bosworth ang pasabi ni Marcos. Maya-maya tumawag si Bosworth kay Enrile; patawagin daw sa kanya si Ramos para maipaliwanag niya sa heneral ang mga detalye ng pagsundo sa Presidente sa Palasyo.

"Ako mismo ay walang kamalay-malay sa backroom maneuverings na nangyayari noon," ani Ramos, "pero madalas kong nakausap si Colonel Tom Halley, US Defense and Air Force attachè, na siya raw counterpart ko, ayon sa US ambassador. Gayunman, kahit kailan ay hindi ako humingi sa kanila ng karagdagang tropa pampalakas sa aming puwersa. Never! Iginiit ko na ito ay laban ng mga Pilipino!"

Matapos makausap ni Marcos si Enrile, pinatawagan niya kay Manotoc ang US Embassy upang tanggapin ang alok nilang sasakyan at security paalis ng palasyo. Lahat ay dibdiban nang nag-impake, hindi lamang ng damit, libro, at mga papeles ng Presidente, kundi pati ng kahon-kahong pera na nakatago sa kuwarto niya mula pa noong kampanya.

Sa Crame War Room, nagsusuot ng bulletproof vest si Enrile at nag-aarmas bago tumawid ng EDSA pabalik sa Camp Aguinaldo. Pinapaligiran siya ng labing-apat na heneral at koronel (hindi malinaw kung kabilang si Ramos sa mga heneral). Aniya, "Kakakausap ko lang sa Presidente." Nainagura na si Cory pero para kay Enrile, si Marcos pa rin ang Presidente. "Handa na siyang makipag-usap tungkol sa pag-alis niya. Ipinangako kong hindi natin siya sasaktan, gayon din ang pamilya niya. Itinanong niya kung gayon din ang maaasahan ni Ver. Sabi ko, pag-uusapan natin." Saglit naghari ang katahimikan. Walang ano-ano, nagbitaw si Enrile ng tunay na mensahe. "Mga kasama, hindi na natin puwedeng tangkilikin ang dati nating commander-in-chief. Kung napanood niyo ang inagurasyon kaninang umaga, nakita niyo na si Cory talaga ang gusto ng mga tao. Sa taong-bayan dapat tayo, at si Cory ang kumakatawan sa taong-bayan." Walang kumibo. Walang nagsalita. Parang may inililibing. Patay na ang hari! Mabuhay ang hari! Patuloy ni Enrile, "Kanina, papunta sa inagurasyon, narinig ko ang mga tao na sumisigaw, 'Mahal namin ang mga sundalo!' Ngayon ko lang narinig iyon sa tanang buhay ko. Kailangan tayong maging karapat-dapat. Kailangan tayong maging tapat sa mga tao."

Pagkatapos pulungin ni Enrile ang mga kumander ng Bagong Hukbong Sandatahan, kabilang ang bagong hirang na Chief of Staff, sinabi ni Enrile sa press na may posibilidad na magkaroon ng dialogue sa isang neutral na lugar tungkol sa pag-alis ng pamilyang Marcos. Ngunit hindi naganap ang dialogue dahil sa huli ay dumerecho si Marcos kay Bosworth at dumerecho si Bosworth kay Cory.

Sa labas ng Crame, ipinakilala ni Enrile si Gringo Honasan sa mga tao na nagsasaya; aniya, si Gringo ang nagpasimuno sa pagpapabagsak kay Marcos. Itinanggi ni Honasan na nakipagsabwatan siyang patayin ang presidente. Aniya, "Wala kaming balak na kudeta o assassination. Kumilos lang kami para iligtas ang buhay namin." Naging sikat si Honasan noong 1970s nang madestino siya sa Mindanao at lumaban sa mga rebeldeng Muslim. Maraming nakakaalala noong paratrooper siya at lumundag mula sa eroplano na may nakasabit na sawá [Tiffany ang pangalan] sa kanyang leeg.


"Sina Vic Batac at Red Kapunan ang mga utak ng RAM, pero matinik din si Gringo, at siya ang may karisma," ani Razon.
"Nag-train ako kay Gringo," kuwento ni Sembrano. "Mataas ang respeto namin sa kanya. Wala siyang ipapagawa sa iyo na hindi muna niya gagawin; ganoong klaseng lider siya. At saka alam niya ang pangalan mo, hindi lang apelyido. Kayâ siya popular."

Sa Camp Aguinaldo binalikan ni Enrile ang desk na iniwan niya noong makalawa lang. Si Ramos naman ay sinubukan ang dating upuan ni Ver sa opisina ng Chief of Staff. Dalawang beses siyang nagtalumpati sa mga tao na nagsunuran sa Camp Aguinaldo; nangako siyang mananatili itong kampo ng taong-bayan.

Alas-sais (6:00) ng hapon sa Nagtahan Bridge, dalawang pillbox ang sumabog sa hanay ng riot police, na dumagdag na sa Marines, sa mga barikadang bakal. Gumulong ang mga APC sa gilid ng intersection at nagkasahan ng baril ang mga sundalo. Napaatras ang mga loyalista at ang mga Coryista. Lalo pang umigting ang tensiyon nang may dumating na bago, mas malaki, at mas maayos na pangkat ng demonstrador na ikinakaway ang higanteng dilaw at pulang mga bandera ng labor at student organizations. Naibsan lang ang tensiyon nang nakapagpulong sina Colonels Santiago at Fortuno at ang mga pari, abogado, at iba pang tagapagsalita ng iba't ibang grupo. Nagkasundo ang lahat na sila-sila mismo ang magpupulis sa kani-kanilang pangkat; pumayag din ang mga loyalista na itabi na ang maliliit nilang watawat ng Pilipinas dahil ito ang sanhi ng tensiyon. "Pero huwag kayo magkakamaling umabante dahil ang utos sa amin ay manatili kami sa puwesto, kahit anong mangyari," sabi ni Santiago. "Kapag nagpilit kayo, mapipilitan kaming magpaputok."

Sa Palasyo, nag-umpukan ang escort officers ng mga Marcos. Kita nilang nag-iimpake ang pamilyang Marcos. Lumapit si Greggy Araneta at itinanong kung may ibig mag-volunteer na sumama kay Marcos kung sakaling magpasiya itong umalis. Nag-volunteer si Captain Nestor Sadiarin at pitong sundalo.

Sinimulan na ring ipag-impake ng kanyang mga attendant ang Unang Ginang. Diniskonekta ng tatlong operator ang mga telepono nila para matulungan si Gimenez. Makapal at nagmamadali ang trapiko ng sari-saring bagahe mula sa mga kuwarto sa itaas, pababa sa Heroes Hall. May mga garment bag, duffel bag, travelling bag, leather bag, attache cases, Louis Vitton bags, mga maleta, at mga kahong karton.

Habang gumagabi, parami nang parami ang bilang ng mga pasahero ni General Allen. Iyong tatlumpu (30) ay naging animnapu (60) sapagkat isasama ni Marcos ang kanyang medical staff at security guards. Nang lumobo na at naging isang daan (100) ang bilang, napaisip si Allen ­ labing-lima (15) ang puwedeng isakay sa bawat helicopter, ang iba ay puwedeng sunduin ng bapor. Nang madagdagan pa ng dalawampu (20), inawat na ni Allen si Manotoc, "Iyan lang ang kaya ko."
Makalubog ang araw, iniwan ni Ver at ni Irwin si Marcos at tumawid papuntang headquarters nila sa kabila ng ilog Pasig. "Tapos na ang lahat," sabi ni Irwin sa mga aide niya na puro napatunganga. Naghubad siya ng flak jacket at bulletproof vest at nagtungo sa kanyang quarters. Si General Ver naman ay kinamayan lang daw ang mga nandoon at nagpasalamat sa kanyang mga commander, ngunit hindi siya tuwirang nagpaalam kahit kanino. Tulad ng mga Marcos, inilihim ng mga Ver ang napipintong evacuation.

Alas-sais y medya (6:30) ng gabi, nag-uusap sina Allen at Manotoc nang inangat ni Marcos ang telepono at sumabad sa usapan. Inulit niya kay Allen ang mga nalinaw na ni Manotoc. Kay Allen, senyas ito na kumagat na nga sa pain at handa nang umalis si Marcos. "Itinanong ko sa kanya kung saan niya gustong magpunta. Sabi niya, sa Clark Air Force Base. 'Tapos, saan? Sabi niya, sa Ilocos Norte. 'Tapos, saan? Sasabihin daw niya sa akin pagdating sa Clark. Tinanong ko kung kailan niya gustong umalis. Sabi niya, handa na raw sila."

Alas-sais y medya (6:30) rin ng gabi, inutos ng military na magsiuwi na ang naiiwan pang domestic at office staff sa Palasyo, pati iyong mga panggabi ang shift. Samantala, may problemang mabigat si Aruiza; hindi niya mabuksan ang kaha de yero ni Marcos sa kuwarto. Hindi matandaan ng Presidente ang kombinasyon, paano ay pagód, lango sa gamot, at kulang sa tulog. Hinayaan na lang ni Marcos. May inabót siyang brown na Samsonite attachè case sa kanyang valet, sabay bilin na huwag ito bubuksan o bibitawan. (Ayon kay Aruiza, nang namatay na si Marcos sa Honolulu at binuksan ito nina Imelda at Ferdinand Jr., ang laman pala ay hindi importanteng papeles kundi isang watawat ng Pilipinas, na siya nilang itinakip sa kanyang kabaong. Kuwento na pinagdududahan ng maraming Coryista.)

Sa Clark Air Base, ipinagtanong ni Heneral Allen ang kondisyon ng runway sa Ilocos Norte na ipinagawa ni Marcos noong 1983 para sa malalaking eroplano na naghakot ng mga bisita sa kasal ni Irene. Natuklasan niya na walang ilaw ang runway pang-landing sa gabi. Ibig sabihin, sa Clark matutulog ang mga Marcos; kinaumagahan lang sila maililipad sa Ilocos Norte. Nang natiyak na ni Allen na handa na ang mga helicopter at bapor para sa biyahe, tinawagan niya si Manotoc. Sabi niya, 8:30 niya susunduin ang mga Marcos sa kabila ng ilog Pasig, sa golf course ng Malacañang Park. Doon lang kasi may sapat na lugar para makalapag nang sabay ang dalawang helicopter.

Kuwento ni Ramos, "Pinag-ukulan ko ng panahon ang pakikipag-coordinate kay Ambassador Bosworth na siyang nag-areglo ng helicopter flight ng Presidente. Tiniyak ko na walang makikialam o iistorbo sa kahit anong pagkilos ng mga taga-US Embassy o US Armed Forces sa bandang Army Navy Club hanggang sa Embassy grounds."

Ani Almonte, "Wala kaming kinalaman sa desisyong iyon ni Marcos na umalis; siya ang nakipag-usap sa mga Amerikano. Kung kami ang nasunod, pinigilan namin siya at iniharap sa mga tao para litisin. Palagay ko, kung hindi siya umalis at nalitis siya, at nahatulan at nabilanggo, ibang-iba ngayon ang karakter ng pulitika natin."

"Nasa Wack Wack ako noon," sabi ni Cory, "nang tumawag si Ambassador Bosworth. Sabi niya, nahikayat na si Marcos na umalis, nakumbinsi ng dalawa niyang manugang na iyon ang pinakamabuti niyang gawin."

Nasa Mendiola noon ang premyadong direktor ng pelikulang Pilipino na si Lino Brocka: "Minsan pa, maniwala ka, nakatayong ganyan ang mga sundalo, nariyan naman ang puwersa ng BAYAN. Hintayan. Tense talaga. Biglang may tumawid sa tulay mula sa BAYAN side papunta sa mga sundalo. May dalang pagkain. Alam mo ba ang ginawa ng mga sundalo? Ibinaba ang mga baril nila at pumalakpak! Pagkatapos, kumain sila nang kumain. Diyos ko, sabi namin, tao rin pala sila. Gutom na gutom! Eh ayun, matapos nilang kumain, tinanganan uli ang mga baril nila!"

Ipinatawag ni Marcos si Ver sa kanyang study room. Dumating si Ver; kasunod daw niya sina Irwin, Wyrlo, at Rexor. May report na lulusubin ng Marines ang Palasyo. Umiiyak si Imelda sa balikat ng asawa. Inalu-alo siya ni Marcos.

Alas-siyete y medya (7:30) ng gabi, dalawang US helicopter galing Clark ang lumapag sa Pangarap golf course sa Malacanang Park.

Sa Palasyo, "Nagkakagulo na, at napakaingay," kuwento ni Aruiza. "Nagtatakbuhan kaming lahat, naghahablutan ng mga ari-arian, sigawan ng mga huling bilin, sinisikap tandaan at intindihin ang mga utos."

Nakatayô si Marcos sa pinto ng kuwarto niya, walang imik, mukha ay 'di mabasa. 'Tapos, dahan-dahan itong naghilahód papuntang elevator. Ilang saglit bago siya tumapak sa elevator, nilingon niya muli ang paligid. Sa ibaba, may limampung metro ang tinawid niya papunta sa daungan ng Heroes Hall. Bawat sundalo na dinaanan niya ay marahan at malungkot siyang sinaludo. Punong-puno ang bulwagan ng bagahe na itatawid sa ilog at isasakay sa mga helicopter. Sa daungan, naupo si Marcos sa isang maleta. Nagpakuha si Aruiza ng silya. Lumipat naman ng upuan si Marcos, pero tila hirap na hirap siya at wala pa ring imik, nilalamukos ang hawak niyang golf hat. May nagsísigâ ng mga dokumento sa malapit. Pinatigil sila ni Imee dahil lumalaki ang apoy at usok; baka siya atakihin ng hika. Nilapitan si Marcos na mga apo, "Wowo" ang tawag sa kanya, subalit bahagya na itong makangiti. Nagpakain pa ng mainit na hapunan ang household staff, na pinakahuling umalis sa Palasyo. Lumapit ang dalawa, sina Susan Reyes at Danny Almazan, at mangiyak-ngiyak na inalok ang Presidente ng pagkain. Hinaplos sila ni Marcos, umiiling. Iyon na ang paalam niya.

Ilang minuto bago sila umalis, pinatawag ni Imelda ang naiiwan pang mga tauhan sa Palasyo, na karamihan ay close-in security. Nagsimula siyang mamigay ng tig-sasampung libong piso na nakasilid sa payroll envelopes. Ipinagpatuloy ito ng PR niyang si Babes Romualdez.

Magulo at mausok ang eksena sa tabing-ilog ng Palasyo. Binubuhat ng mga tauhan ang mga bagahe at isinasakay sa mga bangkâ. Unang itinawid ng ilog ang mga bagahe. Dumating si General Pattugalan, na ipinatawag ni Marcos. Kinumusta ni Marcos ang mga barikada. "Mahinahon siya at malinaw ang isip niya," kuwento ni Pattugalan.

"Tiyakin mong hindi magagalaw ang mga barikada," utos ni Marcos. "Pigilan ang pagpasok ng mga tao, kahit anong mangyari."

Sinundo ng powerboat ang pamilyang Marcos at ang iba pa nilang kasama at itinawid ng ilog Pasig patungong Park. Dahil nahuli ng datíng, naiwan si Jose Conrado "Jolly" Benitez, ang kanang kamay ni Imelda sa Ministry of Human Settlements; napilitang umarkila ng bangkâ si Jolly para makahabol sa biyahe.

Sa Wack Wack, Mandaluyong, nakatanggap si Cory ng tawag mula kay Ambassador Bosworth. Handa na raw umalis ng Palasyo si Marcos pero humihingi ito ng dalawang araw sa Paoay, Ilocos Norte. Ayon sa isang kuwento, na itinatanggi ni Cory, naawa ito kay Marcos at sinabing, "Bigyan natin siya ng dalawang araw." Ngunit kumontra daw sina MP Palma at iba pang tagapayo ni Cory sa hiling ni Marcos. Sa tingin nila, kung bibigyan si Marcos ng pagkakataon ay tiyak na mabubuo uli niya ang kanyang puwersa at maaaring hindi na siya umalis. Tinawagan daw ni Cory si Ambassador Bosworth at sinabing hindi niya mapagbibigyan ang hiling ni Marcos. Kailangan niyang lisanin agad ang bansa.

Ayon naman kay Cory, hindi siya pumayag noong itanong ni Bosworth kung puwedeng magpunta si Marcos sa Paoay. "Itinanong ko kung nag-aagaw-buhay si Marcos. Hindi raw, pero pagod na pagod. Kung ganoon, sabi ko, puwede silang matulog sa Clark ng isang gabi pero kailangan nilang umalis kinabukasan. Ni hindi ko pinag-isipan ang Paoay. Kung patawirin na siya, hayaan siyang mamatay sa Clark o kung saan man. Subalit tiniyak sa akin ni Steve Bosworth na hindi ganoon ang sitwasyon."

Alas-ocho kuwarenta (8:40) ng gabi, may convoy ng mga sasakyang punô ng security men na tumakas sa Malakanyang patungong Clark Air Base sa Pampanga.

Alas-ocho kuwarenta'y singko (8:45) sa Mendiola. "Malamig ang gabi; medyo mahangin," kuwento ni Gus Miclat. "Nakakakoryente ang tensiyon sa kapaligiran kahit mukhang nagpapahinga lang ang mga pagod na aktibista. Nangingibabaw ang mga pulang bandera nila na kakaway-kaway sa hangin at sa liwanag ng buwan. Ito ang mga tao na sinasabi nilang "hotheads and agitators" ­ maiinit ang ulo at mga manunulsol. Karamihan ay kasama sa BAYAN at KMU at ng mga militanteng estudyante. Walang nakita o narinig na panunulsol galing sa kanilang mga hanay. Ang tuyaan at sulsulan ay nanggaling sa mga tao sa mga bubong ng bahay o sa labas ng mga hanay ng BAYAN. Kapit-bisig ang marshalls, parang lubid na nakapalibot sa kanilang mga tao. Kumpol-kumpol ang iba't ibang sektor. Karamihan ay kabataang nasa sapat na gulang ­ sila ang martial law babies kung tawagin; kinalakhan nila ang batas militar ­ at sila ang nagbabanta sa huling tanggulan ng diktadurya. Sa harap, ang pumapagitna sa mga barikadang bakal at sa mga aktibista ay mga seminarista, pari, at madre. Sa gitna ng dagat ng mga militante, may isang jeepney na nagsisilbing entablado, headquarters, dalahan ng pagkain, at klinika.

Sa Malacañang Park, nasa lilim ng mga punò si Enrile, pinapalibutan ng mga guwardiya niyang RAM, hinihintay si Marcos. "Halos tatlumpung (30) taon nagsama at nagpayaman ang dalawa," sabi ni Sterling Seaberg, historyador. "Marami silang alam tungkol sa isa't isa na walang ibang nakakaalam. Ayon sa mga saksi, nagkapatawaran ang dalawa at sa huli ay matagal na nagyapusan."

"Napansin ko ang batang Ferdinand," kuwento ni Aruiza. "Lukot ang fatigues, may riple sa balakang, nakadikit sa ama niya, winawalis ng mata ang paligid. Kagabi lang, nagbabalak siyang bawiin ang Channel 4. Sasama sana ako ngunit nabalitaan ni Marcos ang pakana at mahigpit niya itong ipinagbawal."

Nang dumating ang oras, tila kinutuban si Marcos sapagkat bigla itong nagpumiglas. Galit na galit kina Alex Ganut at Restituto Alipio na umaakay sa kanya. Noon lamang siya nagalit mula noong ika-22 ng Pebrero. Lumalaban siya, ayaw niyang sumakay ng helicopter, ayaw niyang umalis.
Sumaludo at nagpakilala si Heneral Allen kay Marcos. Sa labis na kahinaan, ni hindi maitaas ni Marcos ang kamay para sagutin ang saludo. "Buhat siya ng apat na bodyguard," sabi ni Allen. "Kinuha ko siya at ihiniga sa belly ng helicopter."

Pinagtulungang isakay ng apat na lalaki ang isang istatwa ng Santo Niño na purong ginto, may tatlo hanggang apat na piye ang taas, pati kapa ay ginto, at ang kuwintas ay may palawit na malaking brilyante. May isinakay ding mga kahon ng gold bars at kung ano-ano pa. Naka-terno ang puganteng Unang Ginang. Baliktad ang pagsuot niya ng earplugs, siguro para hindi magulo ang buhok niyang ayós na ayós. Maya't maya ay sinisilip ang itsura niya sa salamin. Sumakay si Ver na may nakasabit na Uzi sa leeg. Nang pinatatanggalan ito ng bala ng isang crewman "for safety reasons," nagtaray si Ver. "Don't fuck with me!" Nagrebolusyon ang makina ng kabilang helicopter, handa nang lumipad, nang may lalaking naka-fatigues ang nagpilit na sumakay. Inilabas ng flight engineer ang ulo niya at sinabing punô na sila. Tinutukan siya ng baril ng lalaki na isiniksik ang sarili sa loob, umuungol, "I'm his goddamned son!" Naniwala na lang sila dahil nasa kabilang chopper ang goddamned niyang ama.

"Limampu't lima kami, na hinati sa dalawang biyahe; bawat biyahe ay may dalawang helicopter," kuwento ni Aruiza. "Sina Gng. Marcos, Ferdinand Jr., Colonel Ratcliffe, Captains Villa, Sadiarin, at Espadero, at si Jolly Benitez ang sakay ng unang helicopter. Hindi makapagdagdag ng pasahero dahil punong-puno ito ng bagahe ni Gng. Marcos."

Alas-nuwebe singko (9:05) ng gabi, humahaluyhoy, tila hirap na hirap, na umangat ang isang helicopter paalis ng Palasyo. Kaagad umangat ang isa pa. Sakay ng ikalawang helicopter si Marcos, sina Tommy at Imee, Greggy at Irene, mga anak nila, mga doktor at nurse, mga security agent, at mga valet. Makalipas ang kinse minutos, may dalawa pang helicopter na lumapag upang hakutin si Major Monino Veridiano at ang kanyang mga kasama. Takot na takot ang mga pilotong Kano. Akala nila ay pinapaligiran na ng mga rebeldeng sundalo ang Palasyo at pinapaputukan na ang mga tauhan ni Marcos. Alas-nuwebe bente-singko (9:25) ng gabi, ayon sa mga saksi, umangat ang dalawa pang helicopter papalayo sa Malakanyang.

Samantala, sa kabila ng ilog, nagka-problema ang isang US Navy boat na sobra ang taas ng antenna, hindi tuloy makadaan sa ilalim ng mga tulay papunta sa Palasyo. Kulang na ng lugar sa tatlong bapor para sa lahat ng bagahe at apatnapu't lima pang pasahero. Nang dumaong ang unang bapor, apatnapu't limang tao agad ang sumakay, na karamihan ay mga sundalo ng PSC. Pinaputukan sila ng mga kasamahan nilang hindi naanyayahang lumikas kayâ nagmamadaling lumayo sa daungan ang kapitan at naiwan ang mga bagahe.

Wala na ang pamilyang Marcos nang tumawag si Bosworth sa Palasyo upang iparating na hindi pumayag si Cory sa biyaheng Paoay. Tinawagan uli niya si Cory at sinabing nakaalis na ang dating Pangulo. Mahinahon pa rin, ibinaba ni Cory ang telepono at humarap kina Palma. "Nakaalis na si Marcos," sabi niya na para bang bale-wala ang balita. Lahat ay masayang naghiyawan. Si Cory lang ang tahimik.

Sa Mendiola, palakpakan at hiyawan ang mga tao nang may dumating na bagong grupo, halo-halong dilaw at pula, na nagmartsa galing EDSA. Umeksena rin ang mga bading, pasikot-sikot sa mga kumpulan ng tao. "Wala na si Marcos! Makikita ko na rin ang Malakanyang! Appear!" Sa mga barikadang bakal at alambre na nakaharang sa tulay, may bandila ng BAYAN, streamer ng "Koalisyon ng Mamamayan Laban sa Diktadura," at isang nagsasabi na "Tanggihan ang US-sponsored na Koalisyong Pasista!" Pakapal nang pakapal ang mga tao sa labas ng hanay ng mga militante. Kumakalat na ang balitang nakaalis na si Marcos. Pero may report din na may tatlong daang ex-convict na naiwan sa Palasyo at handang makipagputukan hanggang magkáubusán. Makahulugan na kung sino ang labis na pinagsamantalahan at inapi ng rehimeng Marcos ng dalawampung taon ­ ang mga manggagawa, ang kabataan, at ang mararalita, o "masa" kung tawagin ­ sila ang nandito sa Mendiola, pumapagitna sa hindi organisado't galit na mga tao at sa tatlong daang (300) loyalista ng Palasyo upang lubusin na ang pagdurog sa diktadurya.

Nakarating din ang diwa ng People Power sa Mendiola. Tulad sa EDSA, maayos pa rin, nagkakaisa pa rin, nagbibigayan pa rin ang mga tao, subalit mas radikal, mas militante, mas tense ang timpla at datíng ng pagtitipon, Kaliwa kasi ang may dala at teritoryo nila ang Mendiola, sumunod na lang ang mga Coryista.

Ayon kay Joma Sison, kung sa EDSA ay 20% lang ng mga tao ang organisado, sa Mendiola ay umabot sa 80% hanggang 90% ang organisado o buhat sa "progressive mass organizations."

Kung sa EDSA ay nagsilbing barikada ang mga tao upang hindi magpatayan ang dalawang hukbo, sa Mendiola naman ay tinutukan nila at nagparamdam sila kay Marcos, paminsan-minsa'y nagpapasabog ng pillbox, tinutuksong magpaputok ang Marines upang lalong matakot at marindi ang mga nasa loob ng Palasyo. Psy-war, People Power style. Napraning sina Marcos at nagmadaling umeskapo.

Alas-nuwebe kuwarenta'y singko (9:45) ng gabi sa Clark Air Base. Sigawan ang daan-daang tao na nagtipon sa main gate, humihiyaw ng "Co-ree! Co-ree!" Businahan ang may limampung sasakyan. Noise barrage ang isinalubong kay Marcos ng mga Kapampangan.

Sinalubong din si Marcos ng Commanding General ng 13th US Air Force, si Major General Gordon Williams, at ng asawa niya. "Dahan-dahang naglakad si Marcos mula helipad hanggang sa VIP lounge; alam niyang pinapanood siya ng mga sundalong Kano. Sa loob, pinag-usapan ni Marcos at nina Williams at Allen ang tungkol sa biyaheng Ilocos Norte. Idiniin ni Marcos na kailangan itong matuloy bukas na bukas din."

Alas-nuwebe singkwenta'y dos (9:52) ng gabi, inulat ng DZRH na umalis na sa bansa ang mga Marcos." Kalilipas ng 10:00 nang kinumpirma ng US Air force TV station FEN ang balita.

Unang senyas na nakaalis na si Marcos: nagsiurong ang isang libong Marines na nagtatanod sa Palasyo at bumalik sa barracks, kung hindi sa Fort Bonifacio, sa Camp Crame. Sa Nagtahan Bridge, tuwang-tuwang sinalubong at dinumog at kinamayan ng mga tao ang mga sundalo. May mga bumuhat kay Colonel Santiago na may dilaw na lasong nakatali sa ulo. May umawit ng "Ang Pasko Ay Sumapit."

Pinatigil na ni Cardinal Sin sa pag-aayuno ang Pink Nuns, Carmelites, at Poor Clares; nagpadala siya sa mga kumbento ng sorbetes at cake.

"Ginising kami ng anak naming si Rosanna," kuwento ni Larry Henares. "'Tapos na!' sigaw niya. 'Lumayas na si Marcos!' Napaluhod ang asawa kong si Cecilia, lumuluha at nagpapasalamat sa Diyos. Itinayô siya ni Rosanna. 'Nanay, mamaya ka na umiyak at magdasal, 'wag muna ngayon.' Bakit? hiyaw ko. 'Wala sila sa langit,' aniya, 'nandito silang lahat, ang Panginoon, ang Mahal na Ina, ang mga santo at santa, nandito sila, nagsasayawan sa kalye! Tayo na sa labas!'"


Sayawan sa kalsada, putukan ang mga kuwitis at rebentador, businahan at tambulan, tawanan, iyakan, yapusan. Mga higanteng traffic jam. Libo-libo ang matagumpay na nagmartsa mula Crame hanggang Malakanyang. Kahit saan, punô ang mga kalye ng mga taong nagwawala at nagdiriwang.
"Sugod paabante, sugod paatras. Umuulan ang bato mula sa Marcos loyalists na nakulong sa loob ng Malakanyang," kuwento ni Brocka, "walang malay na tinakbuhan na ng Presidente nila. Pero, Manay, nakakahiya bang sabihin, 'di mo yata maaalis sa Pinoy; sa gitna ng batuhan at stampede, tuwing may camera lights, tigil kami, kuntodo luhod 'yung mga nasa harap para 'di matakpan ang mga nasa likod, sabay ngisi at L sign! Pa-picture! Kuha 'yung mga nakatingala! Kuha 'yung nasa tabi ng tangke! Cut to cut na ganyan! 'Tapos, ayan, umuulan na naman ang mga bato, putok ang ulo ng iba, duguan, ang gulo! 'Tapos, datíng ang mga madre, may dalang tatlong karosa, kumakanta ng 'Ama Namin'! Sabi ko, wala na si Makoy! Panalo na!"
Tulad ng buong bayan, gulat na gulat si Cardinal Sin sa mga pangyayari. "Noong nanawagan ako sa mga tao na protektahan sina Enrile at Ramos," sabi niya, "ang hangad ko lang ay maiwasan ang pag-agos ng dugo. Hindi ko inisip na patalsikin si Marcos. Pero kusa siyang umalis!" Nátawá ang Cardinal.

Wika ni Ramos: "Hindi talaga namin inasahang matutupad ang aming mga hangarin sa loob ng napakaikling panahon, at nang halos walang umagos na dugo. Naniniwala ako na utang ito ng bayan kay Cory Aquino, isang kapani-paniwalang pinuno na sinuportahan ng mga tao; ikalawa, sa isang grupo ng military professionals na naghangad ng pagbabago sa AFP sa pamumuno ni Enrile at ng inyong lingkod; ikatlo, sa People Power; at ikaapat, sa dakilang commander-in-chief na tiniyak ang pagsasabwat ng mga tao at ng mga pangyayari."
"Wala akong babaguhin sa EDSA," ani Cory. "Sa tingin ko, tamang-tama lahat ng nangyari noon. Lahat ay biglaan, kusang-loob. Walang direktor. Ang mga tao lamang, na sa matinding pagnanasang magkaroon ng pagbabago ay nagawang makamit ang pagbabago. Ang mga tao mismo ang siyang kumilos, at sa pamamagitan ng pagsasama-sama at pagkakaisa nila ay nagkakilanlanan ang magkakapwa-Pilipino. Iyong pagsasalo sa pagkain, iyong sama-samang pananalangin, iyong kabaitan at pagtutulungan, iyong pag-aalay ng sarili ­ ayokong mabago iyon. Ang totoo, sana ay magkaroon pa ng maraming EDSA, kahit parang imposible, o matutunan man lamang natin ang mga leksiyon ng EDSA. Kahit kailan siguro ay hindi natin mailalarawan ang buong pangyayari, sa dami ng naganap at sa dami ng tao na nandoon. Ang importante, sa natatanging pagkakataong ito ay nagpakitang-gilas ang mga Pilipino, na ikinatanyag ng Pilipinas sa buong mundo. Kilala na tayo dati, pero para sa masasamang bagay. Binago lahat iyon ng EDSA."

Alas-diyes kinse (10:15) ng gabi, habang kinakalas ng mga tao ang matitinik na alambre na nakabalot sa mga barikadang bakal sa Mendiola, nagsitayuan ang mga militanteng aktibista ng Kaliwa, nagdikit-dikit, at nagsialis. Tanong ni Gus Miclat: "Bakit sila umalis at nag-disperse? Bakit hindi sila nanguna o sumama sa mga tao na sumakop sa Malakanyang?"

"Isaalang-alang sana ang kalagayan ng marami sa hanay ng Kaliwa," sabi ni Romeo Candazo. "Nang pumunta sila sa EDSA, ang tumambad sa kanila ay mga mukha ng mga sundalo na nag-torture sa kanila. Mabigat na trip, pero tiniis nila.

Hindi lamang iyon ang problema ng Kaliwa. Nandoon din iyong pagkaka-boykot nila sa snap elections na nagbigay-daan sa civil disobedience campaign ni Cory na nauwi sa drama ng People Power sa EDSA. Hindi kasi nila akalaing ganoon na lang ang hatak ng biyudang walang alam, at lalong 'di nila akalaing madadala ng burgis na si Cory ang taong-bayan sa bingit ng himagsikan nang walang armas. Tuloy, ang Kaliwa ay hindi naka-eksena nang husto sa EDSA. Nakibaka nga sa mga Coryista ang marami sa kanila pero bilang pangkaraniwang mamamayan lang, hindi bilang komunista. Mas masaklap, saling-pusa na nga lang sila, na-bad trip pa sila sa mga repormistang militar na tumugis at nag-torture sa kanila noong panahon ng batas militar. Kayâ nga yata sila nagmadaling umalis sa Mendiola noong nakalayas na si Marcos. Pero suwerte na rin sila, kung tutuusin. Kung hindi sila umalis, nasabit sila tiyak at nasisi, may kinalaman man sila, o wala, sa pandarambong na naganap sa Malakanyang.

Kalahating oras na ang nakakalipas mula nang umalis si Marcos bago raw nalaman ng rebeldeng militar. Ayon kay Isleta, galit na galit sina Enrile at Ramos, lalo na't may balita ring nilusob na ng mga tao ang Palasyo. "Bakit hindi sila nakipag-coordinate sa atin kung aalis na pala sila? Hindi sana nagkagulo kung naging pormal ang paglipat ng kapangyarihan. Sana ipinaalám nila sa atin," sabi raw ni Ramos.

May kalabuan ang mga ulat tungkol sa repormistang militar noong gabing iyon. Pahiwatig ni Ramos, hindi niya alam kung anong oras aalis ang mga Marcos. Pero 'di ba't nakipag-coordinate pa siya kay Ambassador Bosworth at tiniyak niyang walang makikialam sa kahit anong pagkilos ng mga Kano kaugnay ng paghakot sa mga Marcos sa Malakanyang? At di ba't alam din ni Enrile at ng RAM, na nakarating pa raw sa Malacañang Park upang magpaalam kay Macoy? Isa pa, bakit kailangang hintayin ni Ramos na makaalis si Marcos bago siya magpadala ng mga tropa sa paligid ng Malakanyang? Kutob ko, umaakting lang noon si Ramos. Maaaring iniwasan talaga ng repormistang militar na magpunta sa Malakanyang sapagkat may chismis na pinatamnan ni Ver ng mga bomba ang Palasyo. Ang tanong: bakit hindi nila binalaan ang mga tao tungkol sa panganib? Bakit hinayaan pa rin ang mga tao na pasukin ang Palasyo? Tuloy, parang sinadyang papasukin ang mga tao at hayaan silang magwala, magnakaw, manira, at magkalat, lalo na ng mga dokumento na maaaring mag-incriminate sa mga Marcos at mga crony. Hindi imposible na sadyang pinasingitan ng mga bayarang goon ang taong-bayan, at nadala na lang ang karamihan.

Sabi ni Ramos, tinangka niyang magpunta sa Malakanyang. "Inutos ko kay General Cabrera, superintendent ng Western District, na pairalin ang kaayusan sa paligid ng Palasyo. Nangako ako na darating ako sa loob ng kuwarenta'y singko minutos. Kaya lang, ang kapal-kapal ng tao sa Sta. Mesa. Lahat ay nagsasaya, parang Pasko, Bagong Taon, at birthday, sabay-sabay. Pabalik na kami sa Crame noong nakatanggap ako ng radio message buhat kay Presidente Aquino, pinapareport ako sa Wack Wack."

Alas-diyes singkwenta (10:50) ng gabi sa Mendiola. Mas makapal na, mahigit isang milyon na, ang mga taong nagtatanod sa tulay, ang iba'y kinakalas ang barbed wire sa mga barikadang bakal, pang-souvenir. Sa loob ng Palasyo, nasa kapilya ang mga naiwang staff. Tulo ang luha ng ilan habang nagdarasal, "Diyos ko, kaawaan Niyo kami." Bago dumating ang mga tao, malayang naikot ng mga reporter ang mabobonggang silid ng Palasyo kung saan kaiinagura kay Marcos at kapapangako niya na hindi siya magbibitiw kailanman. Sa ibaba, nakataob ang mga mesa at nagkalat ang papel sa sahig. Sa isang malaki at maadornong reception room ­ may salamin lahat ng dingding at mga chandelier ang ilawan ­ may nakahaing pagkain sa aluminum foil, curry yata, na hindi natapos kainin. Sa isang kuwarto, may mga mapa ng voting figures, ipinapakita ang mga boto kay Marcos noong halalan. Mayroon ding riple, machinegun, at sinturon ng bala.

Naaalala ni James Fenton na sa bawat kuwartong pinasok niya at bawat ibabaw na mapapatungan, may litrato ni Nancy Reagan na may pirma niya. "Imposibleng totoo, pero ganoon ang datíng sa akin, na kahit saan ako tumingin, nandoon si Nancy."

Sa balkonahe ng ikalawang palapag, may isang malaking pisara kung saan may nakaguhit na mapa ng Camp Crame. Sa tabi ng mapa, may listahan ng posibleng lakas ng puwersang rebelde, tao, at armas. Sa labis na pagmamadali ng mga Marcos, naiwan nila ang napakaraming mahahalagang personál na gamit ng pamilya, gayon din ang kalahating dosenang TV sets na wide-screen, mga mamahaling stereo unit, isang double freezer na punô ng American steaks, at isang aparador na 10 piye na punô ng mga pantulog ng dating Unang Ginang. Sa tabi ng higanteng kama ni Imelda na 12 piye ang lapad, may naiwang kalahati ng saging. Pero hindi naiwan ni Gng. Marcos ang sikat niyang koleksiyon ng alahas. Nagkalat sa sahig ng kuwarto ang mga basyong kahon, at walang laman ang dalawang malaking estante ng alahas. Ang kuwarto ng kanyang asawa, na kasing-laki ng isang gym, ay kuwarto ng isang maysakit. Sa tabi ng kama ni Marcos na king-size, may hospital bed na may nakakabit na oxygen machine at intravenous bottle. Mayroon ding medical equipment na tinatawag na "Centurion Magnotherapy," yari para sa malulubhang kondisyon ng puso, baga, at bato. Malapit sa kama ng dating Presidente, sa isang bunton ng mga dokumentong may tatak na "Top Secret and Confidential," may sulat galing kay Ramos, ika-19 ng Pebrero ang petsa, binabalaan ang Pangulo na hindi makakabuti sa AFP ang sunod-sunod na midnight appointments sa matataas na puwesto ni inihahabol ni Ver. Sa tabi ng dalawang unan sa kama, may souvenir na naiwan si Marcos ­ ang kanyang army helmet noong World War II.

Sa Wack Wack, Mandaluyong, tiniyak ni Ramos kay Cory na ang bansa ay nasa kamay na ng bagong gobyerno. Inutos ng bagong Presidente na panatiliin ni Ramos ang kaayusan. "Ibig din niyang maalaman kung sino-sino ang nasa line-up ko ng mga kumander."

"Pinipili na namin ang mga bubuo ng Cabinet," kuwento ni Cory. "Noon pa lang, ang dami na naming problema. Alam niyo naman, People Power ang nagluklok sa akin sa puwesto. At ang People Power ay binubuo ng mga tao sa Kaliwa, mga tao sa Kanan, mga tao sa Gitna. Noong unang gabing iyon pa lang, may mga senyales na na hindi magiging masaya at maayos ang pagsasama ng una kong Cabinet."

Alas-onse y medya (11:30) ng gabi sa Mendiola Bridge. Bumugso patungo sa gate ng Palasyo ang mga tao. Kumalat sa iba't ibang direksyon ang mahigit isang daang (100) sibilyang loyalista ni Marcos.

"Nasanay na ako noong mga araw na iyon na nakakakita ng milyon-milyong tao sa kalye. Pero ibang klase, nakakasindak, itong buhos ng maiingay na taong tumawid ng Mendiola Bridge, marami sa kanila may suot na koronang yari sa alambreng matinik," kuwento ni Fenton. "Mali iyong hula kay Imelda na babagsak muna ang rehimeng Marcos bago matawid ng oposisyon ang Mendiola. Ang tama: kapag natawid ng mga tao ang Mendiola, ibig sabihin ay bumagsak na si Marcos. Pero maliit na bagay lang iyon; sa kabuuan, nagkatotoo ang hula."

Pilit na nabuksan ng mga tao ang mga gate ng Palasyo. Kabilang sa mga naunang pumasok sa Malakanyang ang daan-daang looters na inakyat ang Administration building. Libo-libong mga dokumento ang inihagis sa bintana at ilang mamahaling mga gamit ang natangay. May napatay din daw na isang di-kilalang estudyante ng Philippine Marine Institute.

Kumalembang ang mga kampana ng San Beda. Putukan ng rebentador. Sa Maharlika Hall, isang lalaki ang nagkakaway ng watawat ng Pilipinas mula sa balkonahe á la Malolos. Sa paghahanap ng mga souvenir o ng mananakaw, walang pinatawad ang mga tao: radyo, telebisyon, mga papel-papel, maging mga halaman. Maraming equipment ang naisakay sa kareton at nadala; maging direktoryo ng telepono ay tinangay. Pinunit ang mga mimeograph stencil sa mga makina at ikinalat sa sahig ang laman ng mga desk. Binasag ang mga litrato ng mag-asawang Marcos. Pati mga kutson, damit, at iba pang mga bagay ay pinaghahagis palabas. Natigil lang ang gulo nang nagalit ang ibang tao at nagsigawan ng: "Huwag sirain!" May batang lalaki na papara-parada, may suot na ceremonial spiked helmet sa ulo. May mga lalaking nakaupo sa likod ng mga desk, nagkukunwaring mga bureaucrat, sinasagot ang mga telepono na gumagana pa rin. Sa records office, halos hindi ginalaw ang mga makinilya pero nagkalat ang mga papel, files, at libro sa sahig. Sa ibabaw ng isang makinilya, may nakatapak na isang sapatos ng babae.

Sa labas, mga sampung libong (10,000) tao ang nakapasok na sa bakuran ng Malakanyang. May pares-pares na nakaupo sa ilalim ng mga punò, may namamasyal sa mga hardin, may nagkokodakan. Inakyat ng naghihiyawang mga lalaki ang mga tangke na naiwang nakatiwangwang. Sa liwanag ng maiinit na ilaw, parang di-totoo ang eksena.

Kadarating ni Freddie Aguilar. Gustong makita ng sarili niyang mata na nakaalis na nga si Marcos. "May nasalubong ako, may dalang pasô," kuwento niya. "Okey lang, 'kako, souvenir. Maya-maya, may isa, sako ng bigas ang dala. Magnanakaw na 'yon ah, sabi ko. Kinausap ko ang mga tao. Walang sound system kaya sumisigaw ako. Sana ho, 'kako, 'wag tayong magnakaw, 'wag tayong mag-vandalize. Okey lang na mag-usyoso tayo pero 'wag tayong maninira. 'Wag nating ibunton sa Palasyo ang galit natin sa dating Presidente. Nakakahiya sa bagong Presidente natin kung dadatnan niyang wasak-wasak itong Malakanyang. Pagkatapos, pumunta ako sa Channel 4 para ireport ang nangyayari."

May dalawang babaeng nagsasayaw sa ibabaw ng isang kotse. Piyesta na tipong Mardi Gras ang unang datíng kay Rolando Domingo. "Sa loob ng Palasyo, na puro yari sa mga capiz shell ang dekorasyon, magulo lahat ng kuwarto. Nagtutulakan at nagsasalyahan at nagnanakaw ang mga tao. Sa huli, hindi na lang ako gumalaw; tumayô lang ako doon at nanood. May dalawang tao na humahangos paalis, may buhat na picture frame na mukhang mamahalin. May lalaking nakasandalyas na ang buhat-buhat ay kahon ng gulay. May isang grupong nagbabalot ng mga damit yata o kurtina. May itinagong isang dakot ng M-16 magazine clips ang isang mamà sa ilalim ng jacket niya. May mga sundalo sa palibot pero hindi nila pinigil ang nakawan. Paikot-ikot lang sila, tila tuliro. Maaga akong umalis. Sa lahat ng lamay na nasalihan ko, itong sa Malakanyang ang pinakamaikli at nakapangingilabot."

Sa likod ng Palasyo, may nahuli ang mga tao na security at household staff na may isinasakay na sampung pirasong bagahe at iba pang gamit ng mga Marcos sa isang gomang bangka, ihahatid sa US Embassy kung saan kukunin ng US helicopter. Upang matakasan ang mga tao, naglundagan sa maruming ilog Pasig ang mga security at household staff. Masuwerte at wala ni isang nalunod. Pero nalimas ang mga naiwang bagahe na may lamáng pera, alahas, at mga dokumento. Mabuti't hindi nakapasok sa Palasyo ang mga magnanakaw; ikinandado kasi ng mga security guard ang pintuan patungo sa mga kuwarto at opisina ng Presidente at ng kanyang pamilya.

Hindi lahat ng mga taga-media na umikot sa Palasyo noong hatinggabing iyon ay nakita ang kahabag-habag na katibayan ng matinding takot ni G. Marcos nang dumating ang kanyang oras ng katotohanan. Sa banyo niya, may nakitang combat boots na itim, pantalon, at disposable diaper. Ang botas, pantalon, at lampin ay pare-parehong may bahid ng dumi. Sa gulat siguro, o sa taranta, napadumi sa pantalon si G. Marcos. Noong panahon ng kampanya, nahalata na wala na siyang kontrol sa kanyang pantog; may dala siyang orinola tuwing bibiyahe. Ngayon, tila nawala na rin ang kontrol niya sa bituka; kayâ siguro sangkatutak na mga kahon ng lampin ang dala-dala ng mga Marcos. Ano't anupaman, hindi katakataka na isa sa mga huling ginawa ni G. Marcos sa Palasyo ay ang dumihan ito.

Pagdating ni Freddie Aguilar sa Channel 4: "Ang dami nang balimbing! Biglang pumapapel 'yung mga hindi ko nakita sa kilusan. Sila ang nagdidikta ng mga patakaran. Kesyo pumirma raw muna ako bago ako makapasok. Palibhasa, ako naman ay Kristiyano, hangga't maaari, ayaw kong bumasag ng mukha ng may mukha, kayâ pumirma ako. Saan ba 'kako puwede mag-report? Pinapasok ako. Nakita ko sa loob sina Peque Gallaga, sina Danny Javier. Noong sabihin kong magrereport sana ako tungkol sa nakawan sa Malakanyang, huwag ko na lang daw banggitin, sabi ng mga unggoy na cameramen. Nagtaas ako ng boses. Sino ba kayo, 'kako? Bakit bigla kayong nandito lahat? At bakit ninyo ipagbabawal na mag-report ako ng totoo? Kaya nga nagkaleche-leche ang bayan natin, dahil sa kasinungalingang ganyan, ngayon ibabalik na naman ninyo! Mga sipip! Mga lintik! Nagngingitngit talaga 'ko! Kung puwede nga, suntukan na lang, e!"

Sa Malakanyang, bukás na ang mga gate pero inakyat pa rin ng mga tao ang bakod sa pagmamadaling makapasok. "Pinagpuputol nila at tinangay pati ang mga sanga ng mga punò sa tabing-bakod, souvenir daw. Bawat isa ay naghahanap ng souvenir ng bisitang ito sa Malakanyang. Nasisilip sa mga bintana ang mga tanyag na chandelier na nakailaw lahat, aakalain mong nandoon pa ang mga dating nakatira. Sa balkonahe, kung saan nagtalumpati si Marcos sa kanyang bayarang mga bisita kanina lang tanghali, may nakatayo ngayong poster nina Cory at Doy. Ang mga tao ay nagkalat, sinisira ang manikuradong damuhan. Kung nakita iyon ni Imelda, hinimatay siguro siya," kuwento ni Corinta Barranco.

Sa Channel 4, nanawagan si Freddie sa mga nasa Malakanyang na itigil na ang pagnanakaw at pagbabaság. "Sana 'kako, bantayan na lang nila ang Palasyo para sa bagong Pangulo. Alam mo ang kasabi-sabi noong isang unggoy sa Channel 4? 'Mga kaibigan d'yan sa Malakanyang,' sabi niya, 'binibigyan namin kayo ng trenta minutos para umalis d'yan!' May time limit pa! Off the air, sabi ko sa mga nakaharap sa kamera, 'Ipupusta ko ang itlog ko, hindi niyo mapapaalis ang mga tao! Kahit ipadala niyo pa ang mga reformist d'yan, hindi sila mapapaalis!' Hindi sila nakakibo! Mga burgis ba! Mga porma!"

Napanood ni James Fenton si Enrile sa TV noong gabing iyon. Parang yari ng amateur ang video ­ tulad ng sa kidnap victim na tinutukan ng baril at pilit pinagsalita. Kakatuwa ang pahayag ni Enrile. Una'y ibinalita niya na in-exile na si Marcos, na ikinalulungkot daw niya; hindi raw niya sinadyang ganoon ang mangyari. Tapos, nagpasalamat siya sa Presidente sapagkat hindi ito pumayag na tirahin agad sila ni Ver. Noong mga oras na iyon, sabi ni Enrile, kayang-kaya silang lipulin ng loyalistang militar. Ngunit hindi daw ito inutos ni Marcos. "Dahil dito, pinasasalamatan ko ang Presidente. Saludo ako at ang Hukbong Sandatahan ng Pilipinas sa pagkahabag at kagandahang-loob niya."

Nang ikuwento ni Fenton ang napanood niya sa isang pulitiko, nagulat ang pulitiko. "Iilang oras pa lang nawawala si Marcos, nagsimula na ang pagretoke sa istorya," puna niya.

Kung paano nagsimula, ganoon nagtapos ang EDSA: sa mga kuwentong baluktot. Hindi kasi natapos-tapos ang psy-war nina Enrile at Ramos.
 

CONTENTS
Panimula
Introduction
Sabado
Linggo
Lunes
Martes
Next: Huling Hirit

Ang Pagtatakip sa Edsa