Tinawagan ni Marcos si Jose Roño, Minister of Local Governments,
at sinabing nagbabalak siyang bumuo ng Ilocano army na babawi
sa kalakhang Maynila. Nangilabot si Roño: "Maawa
ka na sa ating bayan! Dadanak ang dugo!" Tinawagan din ni
Marcos si Trade & Industry Minister Roberto Ongpin. "Bobby,
gusto kong manindigan sa Paoay!" Kinilabutan din si Ongpin:
"Milyon-milyong Pilipino ang mamamatay kung magkakaroon
ng civil war!"
Hindi malinaw kung sino, pero isa sa mga tinawagan ni Marcos
ay nagsumbong kina Enrile at Ramos. Tinawagan ni Enrile sina
Aquino at Bosworth at tinanong niya kung ano ba talaga ang plano
nilang gawin kay Marcos. Idiniin nila ni Ramos na hindi dapat
makarating sa Paoay si Marcos dahil tiyak na makakabuo ang dating
Presidente ng hukbong loyalista.
"Hangad lang namin ni Minister Enrile ang ikabubuti ng nakararaming
Pilipino," ani Ramos. "Gusto lang namin na maiayos
agad ang sitwasyon sa matahimik na paraan. Alam ko, hanggang
ngayon ay may nagtatampo sa aking mga Ilocano 'pagkat hindi ko
binigyan si G. Marcos ng pagkakataong dumaan sa Ilocos Norte
at magpaalam man lang. Ngunit kung náibá ang nangyari,
nabigyan tiyak ng rallying point ang puwersang loyalista at pinag-agawan
tiyak ang Maynila. Hindi kami makapayag na mangyari iyon habang
pinapatatag pa namin ang puwersa ng gobyernong Aquino."
Kakampi ng RAM ang Philippine commander ng Clark Air Base na
si Colonel Romeo David. Aniya sa pinuno ng US Intelligence, "Hindi
ko magagarantiya ang kaligtasan ni Marcos. 'Pag nakita ng mga
tao ang Presidente, baka barilin siya." Natakot din si Allen
sa balitang may balak ang mga Coryista na mag-People Power sa
paligid ng base. "Nakikinita ko na ang isang milyong tao
na rumaragasa sa gate kinabukasan." Malinaw kay Allen na
kailangang maialis sa bansa ang dating Presidente sa lalong madaling
panahon. Tumawag siya sa Washington at humingi ng permisong ilipad
ang mga Marcos sa Guam.
Alas-dos y medya (2:30) ng umaga, ginising ni Allen sina Tommy
Manotoc at Ferdinand Jr. at sinabi sa kanila na kailangang makaalis
agad sila papuntang Guam upang maiiwas si Marcos sa panganib.
Mapait ang naging palitan ni Marcos at mga Kanong opisyal. Nagpilit
si Marcos na sa Ilocos siya pupunta. Iginiit ng mga Kano na sumusunod
lang sila sa utos ni Presidente Reagan at ng Joint Chiefs-of-Staff
na dalhin ang pangkat sa Amerika. Alas-kuwatro (4:00) na ng umaga
nang tumahimik sa wakas si Ferdinand. Saka lang sinimulan ang
pagsakay ng mga bagahe at ng mga inaantok at masusungit na pasahero
sa mga jet transport patungong Guam, at pagkatapos Hawaii.
Binilang ni Colonel Aruiza ang grupong nagtipon sa VIP lounge.
Nandoon sina Eduardo "Danding" Cojuangco at ang asawa
niyang si Soledad "Gretchen," kasama ang kanilang pamilya
at isang kaibigang negosyante, si Narciso Pineda; nagkotse sila
galing sa Sison, Pangasinan at nakipagtagpo kay Marcos sa Clark.
Nagulat si Aruiza sa dami ng mga Ver. Nailabas ni Ver ang buong
pamilya niya. Kasabay ni Marcos sa helicopter ang mga lalaking
Ver; nagkotse siguro sina Gng. Aida Ver, ang mga anak nilang
babae, mga manugang at apo, at anim na katulong. Dalawampu't
anim (26) ang bilang nila, halos ikaapat na bahagi ng siyamnapu't
dalawa (92) na nakarating sa Honolulu.
Nang naghahanda nang sumakay sa US Air Force C-9 medical evacuation
plane ang pangkat, hiningi ni Allen kay Marcos at sa kanyang
mga tauhan ang kanilang mga armas. "Sabi ko, mga baril nila
ang bayad sa biyahe."
Hindi mabasa ang mukha ni Marcos, pero si Ferdinand Jr. ay namula
sa galit. "Bilang sundalo, pakiramdam ko ay pinaghuhubad
ako," ani Aruiza; "pinapasakay ako sa eroplano nang
walang sandata kundi lakas ng loob." Walang kumibo. Naghihintayan.
Pinagmamasdan ni Aruiza ang Presidente. Paano kung magpilit ang
mga Kano? Binasag ng boses ni Marcos ang katahimikan. "Sige
na," sabi niya, "huwag na tayong mag-iskandalo."
Isinuko ni
Marcos ang sarili niyang 357 Magnum kay Allen. Dalawang sundalong
Kano ang kasabay ni Marcos na lumakad patungo sa eroplano. Alas-singko
kuwarenta'y singko (5:45) ng umaga noon, ika-26 ng Pebrero, 1986.
Masasabing totoo ang pahayag nina Imelda at Ferdinand Jr. (pagkatapos
ng EDSA) na hindi kusang umalis ng Pilipinas ang mga Marcos noon
kundi "kinidnap" sila ng mga Kano at sapilitang inilipad
sa Amerika. Pero totoo rin na ang mga Marcos mismo ang nagdesisyong
ipagkatiwala ang mga buhay nila sa mga Kano at hindi kay Enrile't
Ramos, o sa mga piloto ng presidential helicopters, na umaga
pa lang ng Lunes ay handa na silang ilipad kahit saan sa kapuluan.
O kayâ, nag-kotse, van, o ambulansiya na lang sana sila
papuntang Ilocos, tulad ng maraming sundalo na nakatakas sa Palasyo
at nakarating sa Clark noong gabi ding iyon. Maaaring natakot
silang umasa sa mga tropang Ver na baka repormista pala. O maaaring
maselan masyado ang lagay ni Marcos; kung gayon, at kung totoo
ang mga kuwento-kuwento, nakakagulat na nakaya niyang umexit
nang nakatayó sa sariling paa (more or less) ibang
klase rin siya. Ano't ano man, kung inisnab nila ang alok na
tulong ng Kano at sa halip ay umasa sa sariling sikap, malamáng
ay nakarating sila sa Paoay, at naiba tiyak ang wakas ng salaysay
na ito. Pahapyaw din ang mga kuwento galing sa kampo ni Marcos
kayâ pakiramdaman na lang. Kutob ko, hanggang Paoay lang
sana si Marcos, magpapaiwan sana siya sa pamilya na gusto nang
lumipad sa Amerika, alang-alang sa mga batà. Oo nga naman,
pero sana nag-Philippine Air Lines sila. Sa madaling salita,
pagdating sa dulo, nagkamali ng diskarte ang mga Marcos. Mabuti
na lang.
The moral of the story: huwag magtiwala sa Kano.
|